KAUNLARAN, DE-KALIDAD NA EDUKASYON, INFRA DEVELOPMENT DADALHIN NI BBM SA LANAO DEL NORTE

NANGAKO si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa harap ng libo-libong taga-suporta ng UniTeam na kaniyang lulutasin ang mga suliranin at bibiguang tugon ang pangangaila­ngan ng mga taga Lanao del Norte sa kanyang pagbisita sa lalawigan ngayong Martes.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na nakikita niya ang matin­ding pangangailangan para mapaganda ang kalidad ng edukasiyon sa lalawigan na isa sa mga pangunahing alalahanin na nabanggit ni Governor Imelda ‘Angging’ Quibranza Dimaporo sa kanya.

“Ang educational system natin kailangang tingnan at bigyan ng mas malaking suporta ang ating mga guro,” sabi niya.

Maliban sa edukasyon, nabanggit din ni Marcos ang pagpapatuloy ng programang pang-impastraktura ng Duterte administration na ‘Build, Build, Build’ na nakagawa ng maraming trabaho pati na rin ang pagsasaayos ng digital infrastructure sa lalawigan.

“Isama natin yung digital infrastructure dahil yung internet natin naging napakalaking bahagi na sa buhay natin. Kailangan ayusin ang digital infrastructure para ang internet maging mas mabilis, malawak ang coverage at mas mura,” sabi niya.

“Iilan lang yan na kailangan nating tugunan. Alam naman natin na dito sa krisis ng pandemya, nakita natin lahat ng Pilipino, kahit mayayaman, mahirap, sikat, lahat ng Pilipino ay nangangailangan ngayon ng tulong,” dagdag pa nito.

Pinaalalahanan din ni Marcos ang publiko na magpa-booster shot na upang magtuloy-tuloy lang ang pagbangon ng bansa.

“Nasa krisis pa rin tayo ng pandemya at mukhang di matapos-tapos. Kaya’t papayuhan ko din kayo na mga qualified magpa-booster shot, magpa-booster shot na kayo para hindi na natin kailangan isipin ang mga lockdown dahil ayaw na natin magka-lockdown dahil masyadong naghihirap ang tao,” wika niya.

“Alagaan natin ang sarili natin para di tayo tamaan ng Covid na ito at sa gayon ay makakapagtrabaho na ulit,” aniya niya pa.

Suot ang kanilang mga pula at berdeng                        t-shirt, hiyawan at sigawan ang pagbati na binigay ng mga taga- Lanao del Norte nang pumasok si Marcos sa Mindanao Civic Center (MCC) Gymnasium na nasa bayan ng Tubod.

Nagpasalamat si Marcos sa napakainit nilang suporta.

“Napakalaki ng pasasalamat ko sa inyo na nagtiyaga kayo ng napakatagal para lang magkasama tayo dito ngayong umaga,” sabi niya.

“Dapat pala inagahan ko ang pagpunta dito sa Tubod. Matagal na naming pinaplano ni Gov. Angging at Congressman Bobby ito pero for whatever reason, di kami nakapunta. Sa wakas pinilit ko,” sabi niya.

Ayon kay Marcos, kahit na ipinapakita sa mga surveys na hindi na niya kailangan bumisita pa sa Lanao del Norte ay ginusto niya pa ring makita at madalaw sila.

“Sabi sa survey di ko na kailangan pumunta sa Lanao del Norte, sabi ko papaanong hindi ako pupunta? Nandoon lahat ng kaibigan ko,” sabi niya.

Ilang UniTeam senatoriables  din ang sumama sa naganap na rally. Ito ay sina Gibo Teodoro, Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. Migz Zubiri, Robin Padilla, Jinggoy Estrada, Mark Villar at Harry Roque.

Ilang lokal na opisyal din ang nagpunta gaya nina Vice Governor Cristy Atay, 1st District Representative Mohamad Khalid Quibranza Dimaporo, 2nd District Cong. Abdullah ‘Bobby’ Dimaporo, 2nd District Representative aspirant Sittie Aminah Quibranza Dimaporo at Vice Governor aspirant Allan Lim.

Matapos ang kanyang pagbisita sa Lanao del Norte ay tumungo naman si Marcos sa susunod na UniTeam rally na gaga­napin sa Cagayan de Oro.