ANG Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nakakuha ng basbas sa Metro Manila Council (MMC) para sa dalawang paraan upang mabawasan ang trapiko sa EDSA. Ang nasabing plano ay makaaapekto sa pampubliko at pampribadong mga sasakyan. Ito ay ang HOV or high occupancy vehicle lane policy at ang bagong polisiya tungkol sa provincial buses.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang mga mayor ng Metro Manila ay sumang-ayon sa planong ipagbawal ang mga pribadong sasakyan na may nag-iisang nagmamaneho at walang pasahero tuwing rush hour. Ang panukalang oras ay magmumula sa alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga. Ganoon din ang oras sa pagsapit ng alas-6 hanggang alas-8 ng gabi. Ang mga pribadong sasakyan na may mahigit dalawang pasahero pataas ang maaari lamang makagamit ng EDSA sa nasabing mga oras. Sa madaling salita, ang mga pribadong sasakyan na walang pasahero at nag-iisa lamang sa sasakyan ay mapipilitin na umalis ng mas maaga sa alas- 6 o paglagpas ng alas-8 ng umaga o gabi upang makabaybay sa EDSA.
Sinabi ni Garcia na may datos sila na 70% ng mga sasakyan sa EDSA tuwing rush hour ay mga sasakyan na may iisa lamang na tao, at ito ay ang nagmamaneho lamang. Dahil dito, nakikita ng MMDA na malaki ang iluluwag ng EDSA kapag ang mga sasakyan na drayber lamang ang laman ng sasakyan ay iiwas sa EDSA at maghahanap ng alternatibong daanan patungo sa kanilang paroroonan. Aniya, pag-aaralan nilang mabuti ang HOV at gagawa ng dry run o pagsubok upang malaman kung epektibo nga ang HOV. Dahil sa HOV, mapipilitan ang mga tao na mag-carpooling na ginagawa rin sa ibang bansa.
Inulan ng batikos mula sa ibang mga motorista ang nasabing plano. Sinasabi nila na bakit daw kailangan pa ito samantalang mas mabuti pang pagtuunan nila ang mga nagbabalagbagan na bus sa EDSA. Kadalasan kasi ay ang mga bus ang sanhi ng pagbabara ng ilang ‘choke points’ sa EDSA tulad sa Balintawak, SM North, Cubao, Shaw Boulevard, Guadalupe, Ayala at sa may Pasay.
May punto naman ang mga nagsasabi nito. Subalit aminin din natin na madami na talagang sasakyan sa Metro Manila, lalong-lalo na ang mga pribadong sasakyan. Halos taon-taon ay mataas ang benta ng mga car manufacturer sa ating bansa. Hindi naman nababawasan ang mga lumang sasakyan.
May punto si GM Garcia na kailangang magsakripisyo ang lahat. Matatandaan na ang implementasyon ng odd-even scheme, mga tatlong dekada na ang nakararaan, ay bunsod ng dumadaming sasakyan sa Metro Manila. Ito ay upang mabawasan ang mga sasakyan sa kalsada. May mga tumutol sa nasabing polisiya ngunit kinalaunan ay tinanggap na rin natin. Ito ang pinakahuling polisiya na naglalayong mabawasan ang mga sasakyan sa kalsada. Maliban dito ay ang implementasyon ng truck ban lamang ang ipinatutupad.
Tatlong dekada po. Sa loob ng tatlumpung taon, ilan na ang mga sasakyan sa lansangan? Malinaw na malinaw na sobra na ang dami ng mga sasakyan. Kaya nga inaabot tayo ng dalawa o tatlong oras sa EDSA upang mabaybay ang mahigit na bente kilo-metrong distansiya. Ano ang gagawin natin? Puros angal tayo, subalit kung kailangang magsakripisyo ng kaunti, ayaw naman.
Hindi naman ipinagbabawal ng MMDA na gamitin ang EDSA sa ilalim ng HOV. Piling oras lamang. Mahirap bang mag-adjust nang kaunti? Eh, kung tayo nga ay nag-aadjust at umaalis ng madaling araw upang maiwasan ang trapiko… ganoon din ang hangad ng HOV.
Aminado ako na magiging pahirap ito nang kaunti sa akin dahil ako lamang mag-isa sa kotse. Wala akong drayber. Naghahatid ako ng anak ko sa Ortigas papunta sa eskuwelahan niya. Subalit sa ikabu-buti ng nakararami, handa akong magsakripisyo nang kaunti. Ako ang mag-aadjust sa oras. Sana ganito rin ang pananaw ng iba sa atin.
Comments are closed.