ISINISISI ng Department of Education sa mababang pondo para sa School Building Program ang mababang bilang ng mga naitatayong classrooms at gusali ng mga paaralan.
Sa pagharap ng DepEd sa briefing para sa 2020 P4.1 trillion national budget, sinabi ni Education Undersecretary Alain Pascua na nasa P259 billion ang budget proposal ng ahensiya sa programa, subalit P36 billion lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management.
Aniya, simula 2018 hanggang 2019 ay nagkaroon ng budget cut sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan dahilan kaya kakaunti lamang ang mga naitatayong school buildings at classrooms.
Umaasa ang DepEd na madagdagan pa ang pondo ng kagawaran para sa pagpapatayo ng mga bagong paaralan sa ilalim ng nasabing programa.
Ipinauubaya naman sa Kongreso ang pagre-allocate ng pondo para sa mga bagong classrooms bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga estudyante taon-taon.
Samantala, nakuwestiyon ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang pagbaba ng budget ng DepEd sa P804 billion na ipinapanukala ng ahensiya sa P551 billion na inaprubahan ng DBM.
Napuna rin ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor ang underutilized funds ng ahensiya na nagkakahalaga ng P40 billion noong 2018.
Depensa naman dito ni Education Secretary Leonor Briones, tumaas pa nga ang utilization rate ng ahensiya sa 97% at 95% noong 2017 at 2018 mula sa dating 88% mula nang maupo siyang kalihim. CONDE BATAC
Comments are closed.