KAWALAN NG CCTV SA RESTRICTED AREAS SA NAIA NABUKING

NAPANSIN  ni Senadora Grace Poe nitong Lunes kung gaano kadaling ma-access ang “restricted security areas” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil walang naka-install na closed-circuit television (CCTV) cameras doon.

Ikinalungkot ni Poe ang estado ng mga restricted security area ng Naia sa gitna ng umano’y human smuggling na aktibidad sa pangunahing gateway ng bansa.

“‘Yung nakita natin dito, napakadali pong pumasok du’n sa restricted security areas natin kung saan nandu’n ‘yung tarmac, kung saan nandu’n lahat ng eroplanong nakaparada. Kung may nagsingit ng kontrabando [o] kung anuman doon sa nakaparadang eroplano na ‘yun? That is a major security risk,” ayon sa mambabatas.

“Pangalawa, nakita din natin na hindi naman kamahalan maglagay ng CCTV, mabilis naman. Bakit walang CCTV du’n? Kasi du’n siguro nagkakaroon ng lusot,” dagdag pa niya.

Ang kontrobersyal na sasakyang panghimpapawid ay pinamamahalaan ng isang kompanya sa pagpapaupa na nakarehistro sa Hong Kong, Cloud Nine No. 1 Leasing Company Limited. Ang itinalaga nitong aircraft ground handler ay isang lokal na kompanya, Globan Aviation Service Corporation o Globan.

Sinabi ni Poe na ang Globan din ang parehong kompanya na nagtangkang ipuslit sina Mohit at Twinkle Dargani, ang magkapatid na na-tag sa Pharmally scandal, palabas ng Pilipinas.

“Well, it seems that Globan is deeply entrenched in our system. Siyempre, may relationship na sila sa CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines), sa MIAA (Manila International Airport Authority), sa immigration, sa customs siguro,” aniya. LIZA SORIANO