KAWALAN SUPPLY NG SIBUYAS RAMDAM SA CALABARZON

CALABARZON- HINAING ng maraming stall owners sa mga public market sa Laguna, Batangas at Quezon na halos isang buwan ng walang dumarating na supply ng puting sibuyas sa pamilihan.

Sa pagpupulong ng mga opisyal ng Price Monitoring Division ng Batangas City, wala umanong produktong dumarating mula sa Norte na siyang pinagmumulan ng local products ng puting sibuyas.

Sinabi ni Eileen De Castro, chairman ng PMD, isa sa dahilan kung bakit hindi regular ang delivery ng puting sibuyas ay dahil sa napakadali umanong itong masira kumpara sa lokal na produkto na pulang sibuyas.

Idinagdag pa nito, ang panahon ng full production ng puting sibuyas ay sa pagitan ng buwan ng Enero hanggang April at hindi rin daw gaanong nag-aani ng ganitong uri ng sibuyas kapag buwan ng Agosto kung saan madalas ang pagdating ng mga bagyo at pagbaha.

Samantala, ito rin ang daing ng mga restaurant owner at mga carinderia sa mga nabanggit na lalawigan kung saan karamihan umano sa kanilang mga menu ay ginagamitan ng puting sibuyas.

Ayon sa mga ito, iba ang lasa ng kanilang specialty kapag puting sibuyas ang kanilang inilalagay sa mga putahe.

Sinabi naman ni Engineer Rosendo So, chairman ng Samahan Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hindi talaga nagkakaroon ng delivery ng puting sibuyas tuwing buwan Agosto hanggang Nobyembre dahil sa panahon ito ng tag-ulan. ARMAN CAMBE