KAWANI NG BI SA AIRPORT WALANG ‘VL’ SA UNDAS

INANUNSYO ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na walang vacation leave (VL) ang lahat ng kanilang kawani na nakatalaga sa airports hanggang sa matapos ang ‘Undas’ season.

Sa kanyang pag-guest sa first anniversary ng “MACHRA Balitaan” news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa Harbor View Restaurant , sinabi ni Tansingco na ang direktibang ‘no vacation leave’ ay magsisimula sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 5, 2023.

Ito ay upang tiyakin na maraming kamay ang maglilingkod sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa arrival at departure areas, na kadalasang nangyayari sa paggunita ng ‘All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Dahil ang dalawang mahalagang okasyon na ginugunita ng mga Pilipino ay nasabay halos sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30 at idineklarang holiday, iginiit ng BI chief na inaasahan na mas maraming pasahero ang aalis at dadating sa bansa para magbakasyon.

Sa nasabing forum, inanunsyo rin ng BI chief na ang mga kawani sa main office ng ahensya sa Intramuros ay gagamitin din upang mas mapalakas ang mga immigration personnel na nakatalaga sa premier airports.

Samantala, tiniyak ni Tansingco na lahat ng kinakailangang tulong ay ibibigay ng kanilang ahensya sa mga Pilipino na mare-repatriate mula sa bansang Israel.

Sinabi pa nito na mayroong itinakdang special lane para sa mabilis na proseso ng returning Filipinos. VERLIN RUIZ