SIMULA ngayong araw na ito, ay ipamamahagi na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang mid year bonus para sa libo libong regular na empleyado ng Manila City Hall.
Ito ay makaraang lagdaan ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagbibigay ng mid-year bonus para sa mga regular city government employees.
Ayon sa punong lungsod, matatanggap ang mid-year bonus simula sa Mayo 16.
“Masaya po akong ipaalam sa inyo na inaprubahan ko na po ang pag-release ng mid-year bonus para sa lahat ng regular city government employees. Simula ngayong araw na ito, matatanggap na po ninyo ang inyong mga mid-year bonus,” pahayag ni Moreno.
“What is due to you, will be given to you. Hindi kayo mawawalan at mapagkakaitan. Habang tayo’y nagbubuti sa ating kapitbahay, kailangan maging mabuti rin tayo sa loob ng ating bahay,” dagdag ni Moreno.
Pinapurihan ng punong lungsod ang lahat ng city employees kasabay ng panawagan na na mag-move on na at ituloy ang normal na pamumuhay kahit sino pa ang kanilang binoto o sinuportahan sa katatapos na eleksyon.
Nagsilbing halimbawa rito si Moreno nang maglabas ng public announcement na bumabati sa pagwawagi ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr. kasabay ng kautusan na pagpapatupad ng no permit, no rally sa lungsod. VERLIN RUIZ