KAWANI NG PASIG CITY HALL, KASABWAT TIKLO SA ENTRAPMENT

ARESTADO sa entrapment operation ang 47- anyos na empleyado ng City Hall at kasabwat nito sa lungsod ng Pasig.

Ayon sa ulat ni Col. Roman Arugay, hepe ng pulisya, dakong alas-3:40 kamakalawa ng hapon naganap ang pag- aresto sa ikalawang palapag ng McDonald Food Chain sa Caruncho Ave., Brgy. Malinao, Pasig City.

Ayon sa ulat, ang rekomendasyon ng entrapment operation ay batay sa request ni Atty. Jeronimo Manzanero, Pasig City Hall Administrator matapos humingi ng saklolo ang biktimang negosyante na hindi pinangalanan.

Ang mga nadakip na suspek ay lumabag sa kasong Robbery Extortion o Violation of RA9485 (Anti-Red Tape Act), RA3019 (Anti Graft and Corrupt Practices) at Code of Ethical Standard of Public Employee.

Nilinaw din ng Pasig PNP sa ulat na kaya hindi pinangalanan ang mga akusado at complainant o biktima dahil sa compliance ng RA10173 or Data Privacy Act of 2012 o para hindi malabag ang confidentiality and security data system na may parusa at multa na hindi lalagpas sa dalawang milyon, ayon sa batas.

Narekober sa suspek ang bundle ng P500, 000.00 kasama ang P499 piraso ng boodle money na gamit sa entrapment operation, marked money at isang unit ng OPPO F9 cellphone.

Sa ulat ni Maj. Jose Luis Aguirre chief SIS, hinihingan ng suspek na nagpakilalang empleyado ng BPLO ang biktima ng P600, 000.00 para mapabilis ang release ng business permit nito kahit na kulang ito sa mga requirement.

Dito na ikinasa ng mga awtoridad ang entrapment laban sa akusado at kasabwat nito.
ELMA MORALES