KAWATANG MAG-UTOL NAKORNER SA OSPITAL

NASAKOTE ang mag-utol matapos na dumiretso sa ospital makaraang mabaril ng guwardiya sa niloobang convenience store sa Brgy. Valencia, Cubao, Quezon City nitong Martes ng umaga.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, BGen. Antonio C Yarra ang mga suspek na sina Rodolfo Rivera, 22-anyos at kapatid na si Rolando Rivera, 18-anyos na kapwa residente ng Pampanga St., Gagalangin, Tondo, Manila.

Matapos na madakip ang mag-utol ay inginuso rin nila si Jomari Salonga, 18-anyos ng Varona St., Brgy. 80, Tondo, Manila na kasama umano nilang mangholdap.

Batay sa report ni Lt. Col Elizabeth Jasmin, Station Commander ng Cubao Police Station 7, bandang alas-4 kamakalawa ng madaling araw nang pasukin ng mga suspek ang Ministop convenience store sa No. 5 CGI Building, Brgy. Valencia, Cubao, QC.

Tinutukan ng baril ng mga suspek ang mga empleyado at nilimas ang halagang P150,000 sa kaha, cellular phone, at Wifi Modem.

Napansin naman ng security guard na nasa labas ang komosyon sa loob ng tindahan kaya pumasok ito at kinompronta ang mga suspek na agad nagpaputok subalit pumalya ang baril.

Dahil dito, mabilis na binunot ng guwardiya ang kanyang armas saka binaril at tinamaan ang mga suspek habang papatakas.

At bandang alas-11ng umaga ay nakatanggap ng tawag ang mga operatiba ng Criminail Investigation and Detection unit ng QCPD mula sa Tondo Medical Center na may ginagamot silang dalawang pasyente na may tama ng bala ng baril at dito nadakip ang mga suspek. EVELYN GARCIA