KAWATANG SEKYU SA PAWNSHOP TIMBOG

CAVITE-KALABOSO ang 47-anyos na security guard na inakusahang kawatan ng pawnshop nang masakote ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang hot pursuit operation sa Alta Tierra Homes Subd., Brgy. Olaes sa bayan ng General Mariano Alvarez sa lalawigang ito, Miyerkules ng hapon.

Nahaharap sa kasong robbery ang akusadong si Michael Comutohan y Padilla ng Blk 38 Lot 7 Town Homes, Brgy. Milagrosa, Carmona, Cavite.

Sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, inireklamo sa pulisya ng kinatawan ng RD Pawnshop na si Ma. Theresa Azucena y Pinaverde kaugnay sa ginawang pagnanakaw ng kanilang sekyu sa bahay-sanglaan sa Brgy. San Gabriel, GMA.

Kaagad naman ikinasa ang hot pursuit operation laban sa suspek na nasakote sa nabanggit na barangay bandang alas-5:30 ng hapon.

Narekober sa suspek ang isang cal. 40 pistol, 2 pistol magazine na may 24 bala, 3 cellphone, P15, 130.00 cash, granada, 3 plastic sachets na shabu, at iba’t ibang identification cards.

Kasalukuyang nasa police detention facility ang suspek at inihahanda ang mga ebidensiya sa pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal. MHAR BASCO