KAWAYAN MAGPAPASOK NG DOLYAR SA BANSA

NANINIWALA si Sen. Cynthia Villar na puwedeng pagkakitaan ng dolyar ang kawa­yan.

Sa parallel session sa ‘A Vision for Bamboo and Rattan sa ASEAN’ na idinaos sa Global Bamboo at Rattan Congress sa Beijing, China, nagdesisyon ang lady senator na magsumite ng batas at legislative initiatives upang pagyamanin ang bamboo at rattan industry sa bansa.

Binigyan-diin ni Villar, chair ng Senate Committee on Environment and Natural Resources, ang agresibong pagsusulong sa product development at market access ng bamboo at rattan products sa ASEAN Region.

Aniya, may 20% o USD393 million ng global trade ng mga produktong ito ay mula sa member-states.

Dahil, aniya, ito sa ganda at tibay ng mga muwebles na kawayang nagugustuhan ng mga European at American para sa kanilang mga bahay.

Base sa EO, 25 percent ng desk at iba pang furniture requirements ng public elementary at secondary schools sa bansa ay dapat gamitan ng bamboo.

Sinabi pa ni Villar na dapat maging prayoridad ang paggamit ng bamboo sa furniture, fixtures at iba pang construction requirements ng mga pasilidad ng pamahalaan.

Aniya, ipinatutupad ngayon ng pamahalaan ang National Greening Program sa ilalim ng Executive Order No. 26 na nag-uutos sa pagtatanim ng 1.5 bilyong puno, kabilang ang bamboo sa 1.5 milyong ektarya mula 2011- 2016.

Pinalawig ang programa sa ilalim ng EO 193 at isinama rito ang 7.1 milyong ektaryang unproductive, denuded at de-graded forestlands.

Suportado ni Villar ang bamboo industries dahil isa itong cash crop na puwedeng pagkunan ng kabuhayan.

Bilang chairperson din ng Committee on Agriculture and Food, bahagi ng mga proyekto ni Villar ang pagtatanim at pagpaparami sa kawayan.

Isa sa kanyang mga proyekto ang Bambusetum sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park, Ramsar Wetland of International Importance sa Manila Bay sa pakikipag-partner sa Department of Environment and Natural Resources at Laguna Lake Development Authority, mga protected area kung saan pinalalaki ang may 70 uri ng bamboo.

Aabot na umano sa 11,000 puno ng kawayan ang naitanim nila sa 20 kilometrong baybayin ng ilog.

Ang inaaning kawayan dito ay ginagamit naman sa mga traditional cottage industry ng Las Piñas tulad ng paggawa ng parol at bahay-kubo. NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.