Kay hirap maging single Mom

KUNG  nagrereklamo kayong mag-asawa na mahirap magpalaki ng anak, isipin na lang ninyo kung paano ang hirap ng isang single mother. Hindi natatapos ang role ng isang magulang kung malaki na sila. Kasi naman, kakaibang karanasan ang maging magulang, lalo na ang pagiging isang ina. Tungkulin ito habang nabubuhay ka. Oo, napaka-fulfilling ng pagiging magulang, pero napaka-challenging din lalo na kung nag-iisa kang haharap sa responsibilidad.

Ayon sa pag-aaral, mahigit 14 million ang single parents sa Pilipinas. Pag may baby ka, umaabot sa P15,000 ang gastos kada buwan para sa pagkain, vitamins, diapers, damit, vaccinations, at yaya. Pero hindi lang gastos ang pinag-uusapan dito. Ang pinakamahirap na parte ay ang pagkakaroon ng maayos na relasyon sa anak. Kasi naman, nagtatrabaho ka na nga, nag-aalaga ka pa ng anak. Heto ang ilang tips para gumanda ang relasyon ninyo sa inyong anak.

Ipakita ang pagmamahal
Madalas, nakakaligtaan ng mga single mother ang mga pagkakataong puwede niyang ipakita ang pagmamahal niya sa kanyang mga anak. Pinipilit kasi ng mga single na punan ang kakulangan sa kanilang buhay – ang kawalan ng amang nang-iwan sa kanila. Of course, napakahirap nitong gawin dahil hindi naman super human si mommy na kayang gawin ang lahat. Magtatrabaho, mag-aasikaso sa bahay, mag-aalaga ng anak – napakahirap pagsabay-sabayin yan, pero ginagawa ng mga single mom. Bilang single mom, hindi mo naman kailangang bilhin ang lahat ng gusto niya, lalo na kung wala kang pera, hehe. Hindi sa pera lamang nasusukat ang pagmamahal.

Mas maganda sana kung kaya mong maging gentle and loving kapag nakikipag-communicate ka sa mga anak mo bilang pagpapakita ng pagmamahal, pero sa kasamaang palad, kasama rin sa nakaatang na tungkulin sa’yo ang disiplinahin sila kapag nagkakamali. Kaya ang labas tuloy, kontrabida ka. Mahirap ipaliwanag sa mga batang kaya mo sila pinagagalitan kapag nagkakamali sila ay dahil mahal mo sila at ayaw mong maligaw sila ng landas.

Sabi nung mga matatalino raw, dapat, hindi ka nagagalit. Ang tanong ko lang, sila ba, hindi nagagalit? Hello? Tao lang! Sure, okay lang ang warm expressions, eye contact, at kung ano-ano pang sinasabi nilang gentleness ng isang ina, pero bilang karaniwang tao, kaya mo bang hindi magalit kung pagod na pagod ka sa trabaho at walang tulog, tapos darating ka sa bahay na nag-aaway ang mga anak mo? Hindi kaya pumutok ang bulkan?

So, ang best way para ma-counter attack ang ganitong mga sitwasyon ay ang pagkakaroon ng bonding time paminsan-minsan, kung kaya lang naman ng bulsa.

Matutong makinig sa inyong mga anak
Tandaan mo, hindi lamang ikaw ang nahihirapan sa pagiging single mother mo. Ang mga anak mo rin. Pero mas magiging madali ito kung maayos ang communication mo sa iyong mga anak. Mas mabuti kung pakikinggan mo at malalaman kung ano ang kanilang iniisip, kesa naman matulad ka kay Vilma Santos at Carlo Aquino.
Vilma Santos: Wala akong ginagawang masama!
Carlo Aquino: Akala mo lang wala, pero meron! Meron!

Pakinggan mo kung ano ang sinasabi nila kahit gaano ito kasimple. Kasi, may mga bagay na akala natin, simple lang, pero para sa mga bata, malaki palang bagay. Subukan mong tingnan ang sitwasyon sa perspective ng bata sa pamamagitan ng pakikinig sa kanila. Kapag naintindihan mo na ang gusto nila o nararamdaman nila, malalaman mo na kung ano talaga ang kailangan nila. Pero, hindi sapat ang makinig lamang. Dapat, maramdaman ng inyong mga anak na alam mo ang kanilang feelings sa lahat ng pagkakataon. Kahit solo parent ka, dapat, lagi kang andyan para sa kanila.

Sila ang priority sa lahat ng oras
Bilang isang single mom, dapat, heavily prioritized mo ang iyong mga anak. Lahat ng desisisyon mo sa buhay ay dapat na base sa kung ano ang magiging epekto nito sa kanila. Ang pakikipaghiwalay o kamatayan ng iyong partner, kung tutuusin, ay mas mahirap para sa mga anak kesa sa iyong naiwang nag-iisa sa pagsuporta sa kanila. Gawin mo ang mga bagay batay sa kanilang best interests at mag-move on ka na sa grieving para sa kanila.

Mas makabubuti kung gagawin mong inspirasyon ang iyong mga anak para maabot mo ang iyong mga mithiin sa buhay. Halimbawa, isipin mong kailangan mong pagbutihin ang iyong career para mas lumaki ang sweldo mo, para mabigyan sila ng mas magandang kinabukasan. At para na rin sa kanilang future, ayusin mo ang iyong finances at investments. Halimbawa, mas maganda kung bumili ka ng bahay at lupa kaysa umupa ka buwan-buwan.

Alagaan mo ang iyong sarili
Ikaw lamang ang inaasahan ng mga anak mo kaya siguruhin mong malusog ang iyong pangangatawan. Paano na lamang sila kapag nagkasakit ka? Sino ang susuporta sa kanila? Ang mga anak mo ang iyong priority, at ikaw na ang susunod na priority. Ibig sabihin, huwag mong i-stress ang iyong sarili. You also deserve a break. Matulog ka ng sapat, kumain ng tama, mag-exercise, at magpahinga. Liban sa pagkakaroon ng healthy lifestyle, mababawasan din ang stress mo at maiiwasan mong magalit. Kapag nasa tamang mood ka, mapapakinggan mo ng maayos ang iyong mga anak at magkakaroon kayo ng magandang komunikasyon.

Pag-usapan ang tungkol sa separasyon
Kung single mother dahil nakipaghiwalay ka sa iyong asawa, dapat, may heart to talk ka sa iyong mga anak tungkol sa sitwasyon. Masakit, pero dapat nilang maunawaang iba kayo sa karaniwang pamilya. Dapat ding alam nilang hindi sila ang dahilan ng inyong paghihiwalay. Kung kaya mo, ipaliwanag mo kung ano ang tunay na dahilan ng paghihiwalay. Pakinggan mo kung ano ang mga kumento nila at sagutin mo ng maayos ang kanilang mga tanong.

Hangga’t maaari, huwag mong siraan ang ex mo.

Dating as a Single Mother
Everyone deserves a second chance in love, kahit sino ka pa. Kung muling tumibok ang iyong puso, kunsiderahin mo muna ang magiging epekto nito sa iyong mga anak. Pumili ka ng partner na mamahalin din sila. In fact, isa yon sa mga test mo sa bago mong partner. Kung talagang mahal ka niya, mamahalin din niya ang mga anak mo.

Huwag mong asahang magugustuhan agad ng mga anak mo ang bago mong partner. Unti-unti mo siyang ipakilala sa kanila. Ipaliwanag sa kanilang hindi mo pinapalitan ang kanilang ama, kundi dinadagdagan lamang ang magmamahal sa kanila. Everyone deserves to love, pero hindi ka dapat humanap ng partner dahil gusto mo lamang magkaroon ng father figure ang mga anak mo.

Siguro naman, malinaw na ang lahat at wala nang dapat ipaliwanag.