KAY YORME ISKO, UNA MUNA AY BUHAY AT KABUHAYAN

PROBLEMA sa trabaho at hanapbuhay; mabilis na serbisyo laban sa sakit, at seguridad sa pagkain at pabahay.

Ito sa kabuuan ang agenda ng programa ng gobyernong iniaalok ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa tuwing may miting, may konsultasyon siya sa mamamayang Pilipino.

Isa pang mabigat na dalahin ngayon ng bayan ay ang hindi pa humuhupang banta sa buhay ng pandemyang COVID-19 na mahigit nang dalawang taon na lumulumpo sa ekonomiya ng bansa.

Alin ba ang uunahin ng susunod na gobyerno sa 2022 upang maitawid ang mahihirap na pamilya, krisis ng kabuhayan at pandemya?

Hindi ito madaling gawin at kailangan, ang makakayang problema ang unahin, ‘yung makakaya na agad na malutas na magbibigay ng gaan sa mabigat na buhay.

Gawa ng lockdown dulot ng pandemya, milyon-milyon ang nawalan ng trabaho, at marami ay may trabaho nga, pero hindi makasapat na tumugon sa pangunahing problema sa pagkain, edukasyon at kalusugan ng mga pamilyang kapos sa kinikita.

Kaya ang unang garantiya na laging ipinapangako ni Yorme Isko ay ang paglikha ng maraming trabaho – at magagawa niya ito, kung ibibigay sa kanya ng taumbayan ang pagkakataong maging pangulo sa 2022.

o0o

Unang agenda niya, sabi ni Isko, bukod sa ayuda – na hindi palagiang maibibigay ng gobyerno – ay ang mabigyan ng trabaho, kahit hindi palagian, kahit pansamantala lamang, yung trabahong makapagtatawid sa unang anim na buwan hanggang isang taon.

Lumpong-lumpo ang ekonomya ng Pilipinas at maging ang mayayamang bansa dala ng perwisyong COVID-19 na sa huling ulat ng WHO, may banta pa ng pagbabagong-anyo ng virus ng coronavirus.
Sabi niya, hindi siya maaaring magbigay ng ‘false hope’ na sa isang taon, agad ay makakabalikwas ang ekonomiya ng bansa, lalo at naririyan pa ang ligalig ng pandemya, at ng mga di-inaasahang kalamidad at krisis sa pinansiya ng mundo.

Trabaho muna, kahit maliit ang kita, kahit hindi regular, kailangang tanggapin, kailangang tiisin muna.

Hayaan muna ang tao, sabi niya ay makatawid, kung sa isang nalulunod ay maiahon sa tubig, at mabigyang lunas at mapalakas.

Mahihirapan ang gobyerno, mamumulubi ang pamahalaan kung laging andyan na ayuda ng bayan.

Saka ang unti-unti paglikha ng trabaho, ang pag-aayos ng mga problema sa paggawa, at ang mabilis na aksiyon sa pagkakasakit hanggang hindi humuhupa ang perwisyo ng pandemya.

Ayaw niya, paliwanag ni Yorme Isko na ipangako ang hindi niya makakayang gawin tulad ng nais ng maraming mainipin at nais ay mala-milagro at mala-mahikang aksiyon.

Siya man ay nangangarap ng mabilis na tagumpay laban sa gutom at sakit, pero kailangan ang katapatan sa salita at sa gawa.

Katapatan, kredibidlidad at dignidad ang nais niyang ihandog sa taumbayan at iyan ang maging gabay at tuntuning gagawin ng kanyang gobyerno, pangako ni Isko.

o0o

Pangarap ng lahat, sa loob ng una at ikalawang taon, makalilikha siya ng maraming trababaho at agad na tulong sa sektor ng paggawa, ng agrikultura at ng pangisdaan upang lumikha ng masaganang ani na mabibili sa halagang makakaya ng maliliit ang kinikita.

Prangkang gobyerno, matapat na pamamahala sa tao, ito ang ibibigay niya sa taumbayan, sabi ni Yorme Isko.

Nagawa niya iyon sa Maynila nang magpatayo siya ng maraming pagawaing bayan tulad ng mga ospital, paaralan, mga pasilidad ng lokal na pamahalaan; paghikayat sa mga investor na magtayo ng negosyo; pautang sa mababang interes sa mga negosyante at walang pasikot-sikot at magulong proseso ng permiso at patakbo sa negosyo.

Kaya, gagawa siya ng tulay, pabahay, iba pang impraestruktura para sa tarabaho; bawas sa buwis upang makatipid ang maliliit ang kinikita; libre at maayos na edukasyon at pagamutan sa kapos sa buhay.

At pakiusap niya, magtiyaga muna, magsakripisyo muna dahil hindi madali malutas ang bigat ng problema ng bansa na ang lalong nabibigatan ay ang karaniwang mamamayan.

Inihalimbawa niya ang sarili: mula sa basurang nagpalaki sa kanya at tiniis na hirap nagawa niyang makaangat.

Kung nagawa ng isang basurerong Isko, magagawa ito ng maraming Pilipino.

Matatag ang paniniwala ni Yorme, milyon-milyong Isko ang katulad niya na lilikha ng lakas at tatag upang maibangon at makalikha ng bagong bansa at bagong malalakas at matitibay na pamilyang

Pilipino.

o0o

Para sa inyong mga suhestiyon, reaksiyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].