KAYA MO BANG HATIIN ANG ARAW

Kaya mo bang hatiin ang araw
Sa tatlong tigwa-walong oras lang?
Ito raw ang iyong kailangan
Sa balanseng buhay-hanapbuhay.

Walong oras para sa trabaho,
Walong oras para sa tulog mo,
Walong oras para sa kung anong
Bagay na mahalaga sa iyo.

Kailan ba huling namutawi
Ang “Mahal Kita” sa iyong labi?
Sana sa pamilya muna lagi
Ang ganitong magandang ugali.

Dinig na dinig din ito ng Diyos.
Dama ng kapalagayang-loob
At kaibigan mo ang maayos
Na daloy ng katawang malusog.

Pansinin ito sa iyong birong
Kasinlinis nga ng iyong laro.
Punahin ito sa iyong tuksong
Hindi nakakasaksak ng puso.

Sinasalamin ng kaluluwa
Ang iyong pagsisilbi sa iba
At sa iyong ngiting kakaiba
Dahil walang suot na maskara.

Kaya, bakit di ka magbalangkas
Ng iyong beinte kuwatro oras?
Baka inuubos mo sa puyat
Lahat ng natitira mong lakas.

Ang karaniwang tao raw ngayon
Ay nasasayang lang ang panahon
Sa paroo’t paritong prusisyong
Sa sementeryo lang din ang tuloy.