KAYA NATIN ‘TO, MAGKAISA TAYONG LABANAN ANG COVID-19

TATAK PINOY

RAMDAM  na sa Kalakhang Maynila ang bangis ng COVID-19. At para sa mga karatig-lungsod at lalawigan, isa itong napakalaking banta hindi lamang sa kabuhayan kundi maging  sa kalusugan ng mamamayan.

Pero sa kabila nito, buong tapang na sinasagupa ng ating mga bayani sa frontlines ang panganib, maisalba lang tayo sa tiyak na kapahamakan.

Sila ang mga doktor, nurse, healthworker, police, military, guard, driver, utility men and women na hindi alintana ang panganib, mapaglingkuran lamang tayo. Saluduhan po natin sila at taos-pusong pasalamatan sa kanilang kabayanihan.

Kamakailan, idineklara ng Pangulo ang State of Calamity sa buong bansa. Ang ibig sabihin, lahat ng pamahalaang lokal ay inaatasang umaksiyon at solidong ipatupad ang lahat ng alituntunin base sa mga batas na may kaugnayan sa laban kontra COVID-19.

Nangangahulugan din ito na kailangang gamitin ang iba’t ibang pondong nakalaan sa mga kalamidad tulad ng Quick Response Fund.

Dahil dito, nananawagan tayo sa Department of Budget and Management  (DBM) na huwag nang magpatumpik-tumpik sa pagpapalabas ng mga pondong ito sa lalong madaling panahon.

Bilang ayuda, bukod  sa paglulunsad ng shuttle services, kumalap din ng  P17.3 milyon ang tanggapan ng Bise Presidente na gagamitin sa pagbili ng iba’t ibang protective gears para sa healthworkers at frontliners.

Sa pamamagitan po ng halagang iyan, tinatayang 36,000 sets ng protective equipment ang mabibili para sa may 2,400 healthworkers.

Sa panig naman ng Department of Labor and Employment (DOLE), magpapatupad sila ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP na magkakaloob ng one-time-non-conditional financial assistance na katumbas ng halagang P5,000.

Sakop ng naturang  programa ang mga empleyado at manggagawang apektado ng malawakang kwarantina, anuman ang antas at uri ng kanilang trabaho.

Kasabay po niyan, nagpahayag ang economic team ng Pangulo, sa pangunguna ng Department of Finance (DOF) na magpapalabas sila ng P27.1-B assistance package na tutugon sa pangangailangan ng healthworkers at bilang tulong pangkabuhayan na rin.

Gagamitin din ang pondo para sa medical assistance, partikular sa pagbili ng COVID-19 testing kits.

Sakop din ng naturang pondo ang loan programs na aabot ng hanggang P25,000 kada borrower sa ilalim ng Department of Agriculture (DA);  microfinancing loan packages para sa micro, small and medium enterprises na pangangasiwaan naman ng Department of Trade and Industry(DTI)  at marami pang iba.

Maging ang Ayala Group of Companies ay magkakaloob ng P2.4-B emergency package para sa kanilang mga manggagawa. Nakapaloob sa halagang iyan ang ire-release na sahod, bonus, leave conversions at loan deferments upang mabawasan ang mga alalahanin ng kanilang mga empleyado sa loob ng isang buwang lockdown.

Ipatutupad din ng kompanya  ang rent-free period sa kanilang retailers na tumigil ang operasyon kaugnay ng month-long community quarantine.

Hindi rin po tayo magugutom sapagkat nangako ang San Miguel Corporation na may sapat tayong suplay ng pagkain. Nag-commit din sila sa LGUs at sa frontline hospitals na magdo-donate sila ng pagkain habang narito tayo sa ganitong sitwasyon.

Ang Aboitiz at SM Group ay nangunnguna rin ngayon sa pagsu-supply ng personal protection equipments o PPEs tulad ng sanitizers, face masks at iba pang medical equipment.

Mga kababayan, kakayanin po natin ang laban na ito kung tayo ay patuloy na magkakaisa, magtutulungan at magbabayanihan.

Hinihiling po natin sa lahat na itigil muna ang bangayan at patutsadahan. Ito po ang panahon na ‘di kailangang pairalin ang ‘kulay’ — kailangan po tayong magkaisa para sa kapakanan nating lahat.

Comments are closed.