KAYAMANAN DIN ANG PROTEKSIYON NG DIYOS LABAN SA COVID-19

Heto Yumayaman

ANG  kayamanan ay hindi lang sa pera.  Kasama sa kayamanan ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan, katiyakan ng kaligtasan, maraming mabubuting kaibigan, magandang hanapbuhay, at iba pa.  Isa sa kayamanang  inaalok ng Panginoon sa sangkatauhan ay ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan at proteksiyon laban sa iba’t ibang uri ng sakit, kasama na ang lumalaganap na COVID-19.

Ang sabi ng Bibliya, isa sa pangunahing dahilan kung bakit dumating si Jesus sa lupa ay para iligtas tayo sa ating  mga kasa-anan at upang bigyan tayo ng mabuting kalusugan.  Samakatuwid, regalo ng Diyos ang mabuting kalusugan sa pamamagitan ng kanyang anak na si Jesus.  Heto ang sabi:

“Tunay na siya (Jesus) ang kumuha ng ating mga sakit  at siya ang bumuhat ng lahat nating mga karamdaman.  Subalit itinuring nating pinarusahan siya ng Diyos, sinaktan at pinagdusa.  Subalit siya ay tinuhog dahil sa ating mga pagsalangsang, siya ay dinurog dahil sa ating mga karumihan; ang parusa na nagbibigay ng kapayapaan sa atin ay sa kanya  inilagak.  At sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, tayo ay pinagaling.” (Isaias 53:4-5)

Sa panahon ngayon, takot na takot ang mga tao sa buong mundo, kasama na ang bansang Filipinas.  Ito ay dahil sa pagkalat ng nakamamatay na virus na tinatawag na COVID-19.  Nagmula ito sa Wuhan, Tsina at kumalat sa buong mundo.  Dahil sa takot, nagdeklara ang gobyerno natin ng total lackdown sa buong kapuluan ng Luzon.  Hanggang kailan kakalat ang salot na ito?  Marami bang mamamatay?  Makakahanap ba ng gamot sa salot na ito?

Naniniwala akong marami ang mamamatay sa COVID-19 subalit ‘di maglalaon, mahahanapan din ito ng lunas.  May mga eksperto na nagsasabing madidiskubre ang gamot sa bandang buwan ng Hunyo.  Iyan ay mabuting balita.

Subalit, mayroon ding masamang balita.  Ayon sa Bibliya, marami pa ang darating na iba’t ibang uri ng salot na kakalat sa buong mundo at talagang maraming tao ang mamamatay.  Ang COVID-19 ay simula lamang ng maraming paghihirap na magaganap sa mundo.

Binalaan tayo ng Panginoong Jesus na sa mga huling araw, darating ang maraming salot.  Naniniwala akong nabubuhay  tayo ngayon sa mga “huling araw.”  Ang salot ay isa sa mga palatandaang malapit na ang pagbabalik ng Panginoong Jesus sa sanlibutan.  Naniniwala ako na tinatawag ng Diyos ang atensiyon ng mga tao.  Gusto Niyang  ipaalam sa atin na malapitnang bumalik si Jesus.  Dapat tayong magbantay.  Dapat tayong magsisi at manumbalik sa Panginoon.

Ang sabi ng Bibliya: “Manampalataya ka sa Panginoong Jesu-Cristo, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong pamilya.” (Gawa 16:31) Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga Kristiyano. Magalak tayo sa malapit nang pagbabalik ng Panginoon!

Heto ang ilan pang babala ng Bibliya tungkol sa pagdating ng marami mga salot.

“Darating ang mga malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako, darating ang mga salot at taggutom.  Magkakaroon ng malaking takot  at mga dakilang palatandaan sa kalangitan.” (Luke 21:11)

“Nang buksan ng kordero (si Jesus) ang ikaapat na selyo, narinig ko ang boses ng ikaapat na buhay na nilalamg  na nagsabi, “Halika!”  Tumingin ako at nakita ko sa harapan ko ang isang kabayong matamlay ang kulay.  Ang nakasakay ay tinatawag na Kamatayan, at ang Hades (Libingan) ay sumusunod sa likuran niya.  Binigyan sila ng kapangyarihang patayin ang ikaapat na bahagi ng sanlibutan sa pamamagitan ng tabak, taggutom, salot, at mga mababangis na hayop sa lupa.”  (Pahayag 6:7-8).  Sinasabi ng talatang ito na ang ikaapat na bahagi ng populasyon ng mundo ay papatayin sa pamamagitan ng tabak, taggutom, salot at mga mababangis na hayop. Ang populasyon ng mundo sa ngayon ay 7.5 billion  na tao. 7.5 billion  X ¼ = 1.9 billion!  Napakaraming mga tao ang mamamatay.

“Nakita ko ang isa pang palatandaan sa langit, napakadakila at kamangha-mangha: pitong anghel na may  pitong mga salot, ito na ang panghuli, dahil sa pamamagitan ng mga ito, ang poot ng Diyos ay matatapos na.”  (Pahayag 15:1)

Alam ng Diyos kung paanong poprotektahan ang kanyang bayan, ang kanyang mga minamahal, at katuwaan ng kanyang puso.

“Subalit sa araw na iyon, ihihiwalay ko ang lupain ng Goshen kung saan nakatira ang aking bayan, upang sa gayon ay walang salot ng langaw ang pupunta roon, para malaman ninyo na akong si Yahweh ay nasa gitna ng sanlibutan.” (Exodo 8:22)

“Ang tanging lugar na walang bumagsak na salot na batong yelo ay ang lupain ng Goshen, kung saan nakatira  ang mga Israelita.” (Exodo 9:26)

Bilang mga anak ng Diyos, maaari nating hilingin ang proteksiyon  ng ating Ama sa langit.  Manalangin tayo na maglagay Siya ng isang pader ng proteksiyon  sa palibot  natin, ng ating mga mahal sa buhay at lahat ng ating mga tinatangkilik.

“Hindi ba naglagay ka ng pader sa palibot niya at ng kanyang sambahayan at ng lahat ng mayroon siya?” (Job 1:10)

May kasabihan na “Turris fortis mihi Deus.”  Ang ibig sabihin  nito ay: Ang aking Diyos ay isang matibay na tore.”

Tandaan: “Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”

Comments are closed.