KAYANG PUKSAIN ANG TUBERCULOSIS O TB

MATAGAL nang banta sa kalusugan ng mga Pilipino ang tuberculosis (TB).

Ang matindi, walang pinipili ang sakit na ito at madaling makahawa sa tao.

Para sa mga hindi pa nakakaalam, isa si dating Pangulong Manuel L. Quezon sa mga halimbawa ng mga namatay sa tuberculosis.

Sa Amerika pa raw siya namatay noong 1944.

Isang uri ng impeksyon sa baga ang sakit na ito na dulot ng TB bacteria.

Malupit ang karamdamang ito dahil maaaring maapektuhan ang ibang parte ng katawan gaya ng bato, buto at utak ng biktima.

Matatagpuan naman ang TB bacteria sa plema ng pasyente at malaki ang posibilidad na makahawa ito sa iba sa pamamagitan ng pagbahing, pagdura at pag-ubo.

Karaniwang may bahid daw ng plema o dugo ang pag-ubo ng taong may TB.

Nawawalan sila ng ganang kumain, nangangayayat, mabilis mapagod, nilalagnat sa hapon at pawisin sa gabi.

Delikado ang TB kapag hindi nagamot.

Malamang kasi ay mahawa rin ang mga kasama niya sa bahay, lalo na ang mga menor de edad.

Sinasabing ito ang ika-anim sa mga sakit na pumapatay sa mga Pinoy habang ang bansa naman ay nasa ika-22 sa hanay ng mga nasyon na grabeng nananalasa ang TB.

Nabasa ko nga noon sa isang report ng World Health Organization (WHO) kung saan binanggit na hindi bababa sa 70 ang namamatay sa atin bunga ng sakit na ito araw-araw.

Hindi naman maitatanggi na ang TB ay matagal nang nananalasa sa bansa.

Hanggang ngayon, marami pa rin ang nabibiktima.

Target naman daw ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na maalis ang Pilipinas mula sa listahan ng mga bansang nasa Top 10 na may pinakamataas na bilang ng kaso sa pagtatapos ng kanyang termino.

Nasa listahan din ang India, Indonesia at Myanmar na nag-ambag daw sa tinatayang pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa TB.

Isa sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Herbosa ay tugunan ang problemang ito.

Ito ang dahilan kaya nais ni Herbosa na mahanap ang lahat ng Pilipinong nahawaan ng sakit at tapusin ang programa ng gobyerno na TB-DOTS o Directly Observed Treatment Strategy (DOTS).

Kasama raw sa mga nakikitang dahilan ni Herbosa kung bakit may mataas na bilang ng kaso ng tuberculosis sa bansa ay ang logistics at supply chain management.

Hindi raw naihahatid kaagad ang mga gamot sa mga health center at klinika.

Aba’y plano rin daw ng bagong DOH chief na paiksiin pa ang gamutan sa TB sa apat na buwan mula sa kasalukuyang anim na buwan.

Ikakasa ito sa ikatlong quarter ng kasalukuyang taon at inaasahan na tataas ang pagsunod ng mga pasyente sa bagong sistema.

Iba nga lang daw ang gagawin nilang pagtugon sa mga kaso ng “drug-resistant tuberculosis.”

Nawa’y paigtingin din ang pagpapahatid ng impormasyon sa taumbayan kaugnay sa TB.

Kung naging masigasig sila sa paghahatid ng mga impormasyon nang manalasa ang COVID-19, bakit hindi magawa ang ganitong impormasyon sa TB.

Bukod sa mas maigting na information campaign, sa palagay ko ay nararapat ding gumawa ng paraan ang pamahalaang Marcos na maibaba ang presyo ng mga bitamina na pampalakas ng immune system at gamot para sa TB o ‘yung halaga na kaya sana ng bulsa ng mga mahihirap na may sakit.