Matagal nang pangarap ni Kaye Abad na maging ina at personal silang alagaan at palakihin sa Cebu City, malayo sa masakit sa matang ilaw ng spotlight at mapanuring paningin ng publiko.
Gusto na raw niya ng tahimik na buhay sa Cebu, at iwan na ang magulong mundo ng showbiz.
All in the name of love.
Kasama ni Kaye sa Cebu ang kanyang asawa — ang true-blue Cebuano na si Paul Jake Castillo, na sanay rin naman sa showbiz. Dati kasing housemate si Paul Jake sa “Pinoy Big Brother.”
Nakakilala sila noong 2010. Sikat na noon si Kaye habang nagsisimula pa lamang si Paul Jake.
Bago pumasok sa showbiz si Paul Jake, isa na talaga ang kanilang pamilya sa mga may sinasabi sa Cebu, dahil kilala sila sa produksyon ng sikat na liniment brand na Efficascent Oil.
Hindi raw naman tuluyang iiwan ni Kaye ang showbiz, nagpapahinga lang daw siya. Sa ngayon, concentrate daw muna siya sa pamilya dahil mahabang panahon din naman ang ginugol niya sa pag-aartista. Wala raw siyang pagsisisi sa desisyon niyang ito na manirahan siya sa Cebu dahil gusto talaga niya ito. Pinag-usapan na raw nila itong mag-asawa noong ikasal sila ni Paul Jake noong 2016.
“Never akong nag-dalawang-isip ’cause it was really my dream to have my own family as early as 18. Sabi ko when I’ll have my own family, I think I’ll stop acting ’cause I want to concentrate with my family. So, at least ngayon, hindi naman ako nag-stop. I’m still here. Nag-lie low lang,” ani Kaye.
Ni hindi raw niya nami-miss ang limelight
Si Paul Jake naman, tuluyan na siyang huminto sa showbiz para makapag-concentrate sa negosyo. Aniya, “One of us had to quit showbiz. Baka maghiwalay kami. Daming showbiz nag-hiwalay. Joke lang.” Sa totoo lang, mas kumportable raw siya sa pagnenegosyo kesa pag-aartista.
Malayo man sa kinalakhang limelight, si Kaye, na teenager pa lamang at nasa showbiz na, ay wala kahit katiting na pagsisisi. Matiwasay raw ang buhay niya sa Visayan city. Noong araw kasi, nasisilip lang niya ang Cebu kapag Sinulog Festival.
Gustong gusto raw niya sa Cebu dahil simple lang ang buhay rito.
Madali raw ang buhay rito, at lahat ng tao, magkakakilala. Siya mismo ang naghahatid sa mga anak niya sa iskwelahan. Personal din siyang naggo-grocery at nagma-mall. Ito raw ang buhay na pinangarap niya, at natupad lahat ng iyon sa Cebu.
“Sa motherhood, pagiging housewife, natupad lahat,’ aniya. Hindi raw siya natatakot malaos. Sa ayaw at sa gusto raw naman niya ay mangyayari yon in the near future.
“Hindi ako artista dito (sa Cebu). Mas tahimik ang buhay ko. Walang issue. Walang nangingialam,” sabi pa ni Kaye.
RLVN