UMAASA si Vanie Gandler na mag-step up para sa Cignal sa deciding Game 3 ng PVL 2nd All-Filipino Conference semifinals kontra Choco Mucho. PVL PHOTO
Laro ngayon:
(Philsports Arena)
6 p.m. – Cignal vs Choco Mucho
MAGSASALPUKAN ang Choco Mucho at Cignal para sa nalalabing championship berth sa do-or-die match sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference ngayong Martes sa Philsports Arena.
Sasalang ang Flying Titans sa 6 p.m. contest na tangan ang momentum, makaraang makabawi mula sa series opener loss sa straight-set win laban sa HD Spikers.
Kapwa gutom ang dalawang koponan sa Finals breakthrough.
Magmula nang lumahok sa liga noong 2019, ang pinakamagandang performance ng Choco Mucho ay ang dalawang fourth-place finishes.
Samantala, ang pinakamataas na pagtatapos ng Cignal ay third place sa anim na PVL conferences.
Batid ni coach Dante Alinsunurin na kailangan ng Flying Titans kapwa ng pahinga at matinding paghahanda, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtugon sa mga isyu at pagsasagawa ng mga kinakailangang adjustments bago ang sudden-death.
“May mga naging problema kami nung Game 1. Sabi namin, sinubukan lang tayo kasi doon sa pagkapanalo natin ng 10 games, siguro medyo nagkumpiyansa kami,” sabi ni Alinsunurin. “Kinulang kami sa guton nung time nay un, so sabi ko, paghirapan natin uli para mas maganda ang resulta pagdating sa Games 2 at 3.”
Sa kanilang paghahanda para sa decisive match, inaasahang pangungunahan nina Sisi Rondina at Kat Tolentino ang Choco Mucho tulad ng ginawa nila sa series-tying victory.
“Siyempre babalik pa rin kami sa kumpiyansa ni coach (Dante). Pagkakatiwalaan namin kung ano ‘yung gusto at plano niya. ‘Yung commitment namin sa isa’t isa, sa team na ito, and eto na may Game 3 and kailangan naming all-out. Magandang ano ito, magandang preparation ito. Confidence rin ito para sa amin, para sa Game 3 namin. Lalaban kami,” sabi ni Rondina, na nagpakawala ng 19 points sa opener at 23 points sa Game 2.
Batid ni Tolentino na reresbak ang HD Spikers tulad sa Game 1, kung saan bumangon sila mula sa 0-2 deficit na pumutol sa 10-match winning streak ng Flying Titans.
“I think for me we have to humble ourselves again, we have to start from the beginning. We’ll celebrate but we have to prepare again (for Game 3) because Cignal will come back with even more fire,” ani Tolentino.
“I think the team that’s complacent will always be at a disadvantage and I think that’s what happened (in Game 1). We have to keep that fire alive and just continue to be humble with our skills and go back to coach Dante’s system,” dagdag pa niya.
Ang makarating sa Finals ay tiyak na magiging isa sa career highlights ni Tolentino.
“It’s a big accomplishment especially in the pros and I’ve been with this team since the beginning so it will definitely be such a memorable accomplishment if it happens,” ayon kay Tolentino.
Determinado si Vanie Gandler na makabawi mula sa five-point outing sa Game 2 matapos ang solid 17-point showing sa series-opening win ng HD Spikers.
Sasandal naman sina Ces Molina, Jovelyn Gonzaga, Riri Meneses at Rose Doria sa kanilang eksperyensiya at kasanayan sa pagtatangkang matapatan ang lakas ng kalaban.
Nakatuon din ang pansin sa top playmakers ng koponan — Choco Mucho’s Deanna Wong at Cignal’s Gel Cayuna.
Gayunman, ang magwawagi ay mahaharap sa mas mabigat na hamon dahil makakasagupa nito ang reigning defending champion Creamline, na nakapagpahinga nang husto makaraang madominahan ang Chery Tiggo sa isa pang semifinals match.
Ang Game 1 ng best-of-three Finals ay nakatakda sa Huwebes sa Mall of Asia Arena.