“KAYO O KAMI!”(PLDT, PetroGazz agawan sa huling finals berth)

Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
5 p.m. – PetroGazz vs PLDT

PAG-AAGAWAN ng PLDT at PetroGazz ang nalalabing championship berth sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayon sa Mall of Asia Arena.

Magsasalpukan ang High Speed Hitters at Angels sa sudden-death sa alas-5 ng hapon kung saan pantay ang laban sa pagitan ng dalawang koponan na naghahangad na maselyuhan ang championship showdown laban sa pinakamatagumpay na koponan sa liga.

Winalis ng Creamline ang F2 Logistics sa kanilang sariling best-of-three series, 25-22, 25-23, 25-16, noong isang gabi, kasunod ng 26-24, 25-18, 22-25, 25-15 series-openong win, na naghatid sa defending champions sa kanilang ika-8 Finals sa huling siyam na conference.

Kumakatok na ang PetroGazz sa pagselyo sa ikatlong title showdown sa crowd favorites makaraang maitakas ng PLDT ang 22-25, 25-19, 25-21, 25-18 panalo sa opener at dinomina ang first set sa Game 2.

Subalit namayani ang PLDT sa makapigil-hiningang second set endgame battle pagkatapos ay dinomina ang sumunod na dalawa upang itarak ang 14-25, 25-23, 25-14, 25-15 panalo at maipuwersa ang sudden-death.

Sinabi ni coach Rald Ricafort na ang kagustuhan ng High Speed Hitters na manalo ang naging motibasyon ng koponan sa laro na bawal silang matalo.

Sa kabila ng panalo, batid ni Ricafort na kailangan ng kanyang tropa na iangat pa ang level ng paglalaro para makumpleto ang paghahabol mula sa 0-1 deficit.

“Ganoon pa rin, pareho namang walang pahinga. Parehong mapapagod. Hopefully, yung mindset namin sharp pa rin sa Thursday kasi doon na lang magkakatalo-talo,” sabi ni Ricafort.

Siguradong may plano ang Angels kasunod ng pagkatalo.

“We had a strong start. But we waited, everybody waited. Na-drag on kami because we waited,” pahayag ni PetroGazz coach Oliver Almadro. ”We just really have to bounce back and manage first our own expectations.”

“But we know what to do, we have adjusted in terms in terms of totality of our character,” dagdag pa niya. “I know my players will bounce back. I know they’ve accepted and acknowledged what happened. I just told them to take the next step again and move forward.”