KAYOD-KALABAW

DAHIL sa lumalakas na usapan tungkol sa 18-hour workdays, lumulutang ang marami pang usaping kaugnay ng nararanasang pandemya. (Ayon nga pala sa mga eksperto, ang pagtatrabaho ng 55 oras o higit pa bawat linggo ay maituturing na mahabang oras ng pagtatrabaho.) Kahit na marami ngayon ay naka-work-from-home arrangement, hindi maitatangging maraming naglitawang bagong anyo ng stress o pagkapagod nang dahil sa pandemya.

Halimbawa, ang pagkawala ng work-life balance at ng linyang naghihiwalay sa personal at propesyunal na buhay, ang pagkasira ng ating tulog, kawalan ng sapat na ehersisyo at interaksyon sa ibang tao, at marami pang iba.

Bleisure ang tawag sa paghahalo ng business at pleasure trips o travel, na siyang nakakadagdag sa burnout dahil kadalasan ay wala naman talagang pahingang nagaganap sa mga lakad na ito.

Sa isang report na lumabas sa Environment International journal, ang mga manunulat mula mismo sa mga institusyong gaya ng World Health Organization (WHO) at International Labour Organization (ILO) ay nagsabing maraming manggagawa ang may sakit dahil sa mabigat na iskedyul ng trabaho. Ayon sa kanilang pag-aaral, nasa 750,000 katao ang namamatay taon-taon dahil sa ischemic heart disease (coronary heart disease) at stroke, dahil sa mahabang oras ng trabaho. Hindi pa kasama rito yaong mga dumadanas ng mental health problems.

Ang sobrang pagtatrabaho ay nauugnay sa stress, na nagpapataas ng ating stress hormones at nagdudulot ng mataas na presyon at cholesterol. Ang sobrang pagtatrabaho ay dahilan din upang kulangin tayo sa tulog, pahinga, at ehersisyo. Ang iba ay umaasa sa sigarilyo, alcoholic drinks, at unhealthy food para tumagal sa puyatan at overtime.
(Itutuloy…)