PINATATAASAN ni Senadora Imee Marcos ang ‘cash subsidy’ para sa mga lokal na pamahalaan sa madaling panahon, sa harap ng patuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Naniniwala si Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs na posibleng hindi tumagal ang mga subsidiya sa langis at mga calamity fund sa gitna ng hindi matapos-tapos na giyera ng Russia at Ukraine at bantang parusa ng U.S. sa mga oil export ng Russia.
“Dahil sa napakataas na presyo ng langis, nanumbalik ang sitwasyon natin noong unang maminsala ang Covid-19 pandemic. Heto na naman tayo at nagkakagulo kung saan kukunin ang subsidiya at mga ayuda,” ani Marcos.
Pumalo sa pinakamataas na presyo ang krudo kagabi na nasa $139 kada bariles at tinaya pa ng mga U.S analyst at maging ng deputy prime minister ng Russia na sisirit pa ang krudo sa $150 hanggang $200 bawat bariles.
Sinabi ni Marcos na may Php18 bilyon na inilaan na sa iba’t-ibang programa ng Php20-bilyon na Calamity Fund ngunit pwede pa rin naman iprayoridad ito para sa dagdag na subsidiya sa langis at ayuda.
“Ito ang mas mabilis na gawin kaysa suspendihin ang mga excise tax o buwis sa langis na daraan pa sa mas mahabang proseso ng pagsasabatas,” diin ni Marcos.
Una nang tinanggihan ng mga economic manager ng bansa ang panawagan na suspendihin na muna ang mga buwis sa langis at iginiit na malulugi o mawawalan ang pamahalaan ng Php131 billion na kita na magiging dahilan ng pagbagal ng pagrekober ng ekonomiya ng Pilipinas.
Gayunman, nagbabala si Marcos na maraming matutuksong lokal na kandidato na gamitin ang dagdag na ayuda sa LGUs para sa kanilang kampanya sa eleksyon na magsisimula na sa Marso 25.
“Ang mas mahalaga ngayon, dapat makabuo na ang ating pamahalaan ng komprehensibong pag-aaral, pag-isahin ang mga magkakaibang pananaw at magkasa ng pinakamagandang mga solusyon sa ating problema. Nakaabang na ang ating mga kababayan para sa mabilisang aksyon,” giit ni Marcos.
Dagdag pa ni Marcos, handa ang mga mambabatas na magsagawa ng espesyal na sesyon sa Kongreso kung magpapatawag si Pangulong Duterte, para amyendahan o gumawa ng mga bagong batas kaugnay sa kinaharap na krisis sa langis ng buong mundo. VICKY CERVALES