NAKUMPLETO ng mga miyembro ng national road team ng PhilCycling ang five-day training camp sa Zambales bago ang kanilang pagsabak sa 2024 Asian Cycling Confederation (ACC) Championships for Road sa Kazakhstan sa susunod na buwan.
May kabuuang 35 siklista ang lumahok sa training camp na hinost ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane at sinuportahan ni Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz ng Second District ng lalawigan sa Balin Sambali sa Iba at sa Camp Kainomayan sa Botolan.
“The training camp’s important not only to keep the athletes in harness for the Asian championships but for them to bond them together further as a national team,” pahayag ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino, na siya ring head ng PhilCycling.
Ang championships ay nakatakda sa June 5-12 sa Almaty, at ang pagbiyahe ng PhilCycling team sa pinakamalaking lungsod sa Kazakhstan ay suportado ng Philippine Sports Commission at ng POC.
Igagawad din ng ACC kay Tolentino ang 2024 Merit Award para sa kanyang exemplary contribution sa paglago ng cycling sa Asia.
Ang national road cycling team ay binubuo ng mga rider mula sa Philippine Navy-Standard Insurance, 7-Eleven-Cliqq by Roadbike Philippines, Excellent, D’Reyna at Go-for-Gold.
Ginagabayan sila nina head coach Reinhard Gorantes at deputy coaches Virgilio Espiritu, Marita Lucas, Mark John Lexer Galedo at Joey de los Reyes.
CLYDE MARIANO