KELAN ANG VALENTINE’S DAY NG MGA MISTRESS?

Busy ang mga restaurants, bars, at clubs sa Va­lentine’s Day, pero busy rin ang February 13th at February 15th. Alin man sa dalawang araw na iyan, ay National Mistress Day, araw na inilalaan ng mga nanlolokong mister at boyfriend para sa kanilang kabit.

Officially, sa Pilipinas, February 15 talaga ang Mistress Valentine’s Day dahil ang February 13 ay tinatawag namang Galentine’s Day na laan naman sa mga kaibigang babaeng walang boyfriend.

Pero bago tayo lumayo, linawin muna natin kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng “mistress.” Sa Pilipinas kasi, may double standard of morality. Mga babaeng lover lamang ang kinokondena, samantalang ang mga lalaking kabit ay playboy lang ang tawag. At masama talaga ang pagka­kilala natin sa kanila. Sila ay mang-aagaw, homewrecker, walang kwentang tao. Kinasusuklaman ng lahat. Maru­ming babae sa mata ng tao at sa mata ng Diyos.

Sa totoo lang, hindi naman laging ganoon ang kaso. Madalas, biktima lamang sila ng mga manlolokong lala­king nagpanggap na binata at walang sabit. Minsan, kapit lang sa patalim dala ng pa­ngangailangan.

May mga kaso ring alam ng babaeng may-asawa na ang lalaki pero dahil tinamaan nang husto, hindi napigilan ang tawag ng bawal na pag-ibig at tawag ng laman.

Biblically, walang masamang umibig. Sabi nga, Love is patient, love is kind. It does not envy, it does not boast, it is not proud. It does not dishonor others, it is not self-seeking, it is not easily angered, it keeps no record of wrongs. Love does not delight in evil but rejoices with the truth.

Ang ganda ng kahulugan, ngunit nababalasubas ng mga mapagsamantalang kalalakihan na hindi gumagalang sa damdamin ng mga babaeng nagmamahal sa kanila.

Kung tutuusin, ang Va­lentine’s Day ay nagsimula bilang isang Christian feast day na nagpaparangal sa isa o dalawang Christian martyrs na tinatawag na Saint Valentine at, sa tagal ng panahon, naging mahalagang cultural, religious, at commercial ce­lebration ng romansa at pagmamahalan na ipinagdiriwang sa February 14 – na tinatawag ngang Valentine’s Day.

Wala naman talagang Mistress Day, pero hindi ba nakakaawa naman ang mga babaeng nagkamaling magmahal sa maling lalaki kung hindi man lamang sila matatapunan ng kahit konting panahon.

Oo, wala naman talaga silang karapatan, at alam nila iyon, ngunit siguro naman, walang masama kung maambunan sila kahit konting pagtingin. JAYZL VILLAFANIA NEBRE