DINAKIP ng Pateros police ang isang lalaki na armado ng baril at patalim matapos itong magwala sa kanilang lugar nitong Abril 21.
Kinilala ng Pateros police ang inarestong suspect na si Anthony Gopilan, 53-anyos.
Si Gopilan ay dinakip ng mga rumespondeng tauhan ng Pateros police sa isang apartment unit sa Buenaventura Compound, Barangay Sto. Rosario-Kanluran, Pateros.
Base sa imbestigayon ng Pateros police, nakatanggap sila ng report mula sa isang concerned citizen na may isang lalaki na nagwawala at naghahamon ng away sa Buenaventura Compound.
Agad na rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Pateros police kung saan dinatnan nila ang suspect, na may hawak na baril at tatlong patalim, na nagtangka ring saktan ang sarili.
Mabilis namang nadakip ang suspect kung saan narekober sa kanyang posesyon ang isang kalibre .38 rebolber na kargado ng tatlong bala at taltong matalas na bagay kabilang ang dalawang kutsilyo.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at alarm and scandal ng Revised Penal Code si Gopilan na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pateros police station.MARIVIC FERNANDEZ