KELOT NA NAG-VIRAL NANLILIMOS SA EDSA TIKLO

pulubi

PASAY CITY – ARES­TADO ng Pasay City police ang lalaking nag-viral kamakailan sa social media na nakuhanan ng dashcam video na nanghaharang ng sasakyan sa EDSA at sapilitang nanghihingi ng limos sa mga moto­rista.

Kinilala ni Pasay City police chief Police Colonel Bernard Yang ang inarestong suspek na si Richard dela Cruz, 24.

Base sa ulat na natanggap ni Yang, dinakip si dela Cruz ng mga awtoridad nang makatanggap ng tawag ang pulisya na may nanggugulo sa pamamagitan ng pambabato sa may bahagi ng Plaza 66, Manlunas Street, Barangay 183, Villamor, Pasay City.

Agad namang rumes­ponde ang mga tauhan ng Villamor Police Community Precinct (PCP) sa naturang lugar kung saan inabot ng mga awtoridad ang suspek na hindi naman nanlaban nang siya ay arestuhin ng mga pulis.

Nakuha sa posesyon ng suspek ang isang tipak ng bato, kutsilyo at cardboard na may nakasulat na mensaheng nagsasabing hindi siya masamang tao.

Sinabi ng suspek na nagawa lamang ang pang-aabuso dahil sa tama ng solvent at nanghihingi lamang siya ng pera sa mga motorista na kanyang hinaharang na sasakyan.

Noong isang linggo ay nag-viral si dela Cruz matapos nitong harangin ang isang sasakyan na minamaneho ng isang babae sa EDSA, Mandaluyong City na may hawak na bato para humingi ng limos.

Bibigyan na lamang sana ng babaeng moto­rista ng barya ang suspek ngunit hindi ito tinanggap ni dela Cruz na humihingi ng P100.

Nang hindi ito binigyan ng nabanggit na motorista ay dalawang beses na pinukpok ng suspek ang windshield ng sasak­yan nito at ginasgasan ang pinto ng kanyang sasakyan gamit ang bato na kanyang hawak. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.