KELOT NALAMBAT SA PAGBEBENTA NG AHAS

QUEZON- ARESTADO sa isinagawang buy bust operation ng PNP Quezon Maritime Group ang isang lalaki na ilegal na nagbebenta ng ahas sa lungsod ng Lucena.

Kinilala ang suspek na si Dwight Villanueva,19-anyos na residente ng Purok Pinag-Isa Barangay Cotta, Lucena City.

Base sa report ni Maj. Francis Gunio, station commander ng Quezon Maritime Group na nagbebenta ng ahas ang suspek sa pamamagitan ng online.

Kaya’t agad nagsagawa ng entrapment ang mga operatiba upang madakip si Villanueva na nakipag transaksyon ang isa nilang tauhan na si Pat. Lapiz na nagsilbing poseur buyer at nagkasundo sa halagang P2,600 para sa ahas.

Dakong ala-5 ng hapon nang makipagtagpo ang suspek sa pulis na nagkunwaring buyer sa isang lugar sa may Barangay Cotta.

Nang maiabot ng pulis ang marked money sa suspek at makuha ang isang ahas na tinatawag na ‘corn snake’ nakalagay sa isang plastic tupperware ay agad na inaresto si Villanueva.

Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa RA 9417 Illegal Trading of Wildlife na kaagad namang itinurn-over ng mga pulis ang sinasabing endangered species na corn snake sa DENR.

Palusot naman ni Villanueva napag-utusan lamang umano siya na ipagbili ang naturang ahas at hindi niya ito pag-aari. BONG RIVERA