BUMAGSAK sa kulungan ang isang tulak ng ilegal na droga matapos makumpiskahan ng halos P.3 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., ang naarestong suspek na si Jayson Bajen, 32-anyos ng Phase 10A Package 81 Block 6 Lot 3, Brgy. 176, Bagong Silang.
Ayon kay Mina, dakong alas-12:15 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Maj Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ng buy bust operation sa Phase 10A Package 81 Block 6 Lot 3, Brgy. 176, Bagong Silang kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P30,000 halaga ng droga.
Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang knot tied transparent plastic bag ng hinihinalang shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba.
Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang 40 gramo ng shabu na may standard drug price P272,000.00 at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 29 pirasong P1,000 boodle money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 EVELYN GARCIA