KERNEL NA ‘MASTERMIND’ SA PAGPATAY KAY TSERMAN SUMUKO

BATANGAS- KUSANG sumuko sa tanggapan ni BGeneral Jose Melencio Nartatez Jr, Calabarzon police director ang isang kernel na umano’y mastermind sa pagpatay sa isang Barangay Chairman noong nakaraang Linggo sa Barangay San Carlos, Lipa City.

Ayon sa pahayag ni PRO4 Information Officer Lt. Col. Eunice de Guzman, ang suspek ay lumutang makaraang madakip sa isang police operation ang dalawa pang suspek na nagsilbi umanong look- out at driver ng getaway car na ginamit sa krimen.

Idinagdag pa ni De Guzman na nagkaroon ng lead ang pulisya nang kusang nagbigay ng testimonya ang isang witness sa Lipa City Police station hinggil sa umano’ y nalalaman nito nang planuhin ng mga suspek kabilang ang naturang police official sa gagawing paglikida sa biktima.

Matatandaan na binaril at napatay si Chairman Vicente Polo ng Barangay San Carlos habang ito ay nagbababa ng mga paninda dakong ala-5.20 ng madaling araw sa mismong tapat ng kanilang tindahan ng naturang lugar.

Makalipas ang isang linggo, magkasabay na nadakip ang dalawang suspek na nakilalang sina Lito Bautista at Boy Carbajosa.

Sa rekord ng pulisya, si Bautista ay isang empleyado ng pamahalaan at kasama ni Carbajosa na siyang nagmaneho ng ambulance at nagsilbing getaway car sa nangyaring krimen.

Base sa panayam kay Nartatez, ang police official ay kasalukuyang sumasailalim sa schooling sa Philippine National Police Academy nang idawit ang pangalan nito dalawang nadakip na suspek na agad isinailalim sa restricted custody sa Police regional office sa Camp.Vicente Lim.

Samantala, patuloy pa rin pinaghahanap ng mga operatiba ang natitira pang dalawang suspek kasama na ang isang nagngangalang Allan Edroso na tinukoy ng pulisya na siyang tumayong gunman.

Siniguro naman ni Nartatez sa pamilya ng nasawing Tserman na makakamit ng mga ito ang hustisya sa pagkamatay ng biktima.
ARMAN CAMBE