MAKATI CITY – WALANG pinipiling edad ang kawanggawa. Ito ang nais idiin ni Kelly Koch, CEO ng Habitat for Humanity-Philippines sa press launch ng The 7th Asia Pacific-Housing Forum-Manila at pagpapakilala ng kanilang kauna-unahang Kid Ambassador na si Xia Vigor.
Sinabi ni Koch na isang magandang pagkakataon na ang isang bata na katulad ni Xia ang maging kinatawan para sa kanilang mga kawanggawa at mga proyekto para tumulong na makapagbigay ng libre at disenteng tahanan sa mga nangangailangan.
Sinabi naman ni Jamie Santos-Sugay, Resource Development and Communications Director, na bukas ang kanilang tanggapan sa nais mag-volunteer at donasyon.
Sa talumpati ni Xia, sinabi nitong excited siyang makatulong at magandang sa murang edad ay mahimok niya ang mga kabataan na makilahok sa mga gawaing makatutulong sa kapwa lalo na sa mga nangangailangan.
Aniya, masaya ang pakiramdam na tumutulong at hinimok nito ang lahat, kahit mga bata pa na sumali sa gawain ng Habitat for Humanity.
Sa datos, may mga naitayo nang tahanan ang Habitat for Humanity sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bago matapos ang media launch ay isang sorpresa ang ipinamalas ni Xia nang mag-donate ito ng cash sa charity institution na nagpapakita na kahit siya ay isang paslit ay may magagawa para sa lahat at para sa aniya’y ‘better world. EUNICE C.