BILANG ama, ipinakita ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay ang kanyang pag-aalala sa mga opisyal ng ahensiya nang iparating nito mismo sa kaalaman ni Presidente Rodrigo Duterte ang agam-agam sa umano’y panliligalig ng mga armadong grupo na sumalakay sa bahay ng key revenue officials at tinangay ang ‘vault’ na may lamang pera at sa sinasabing pagdukot at pagpapatubos sa top collection officers ng BIR.
Maging si Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III ay lubha umanong nababahala sa madalas na pagliban sa trabaho ng mga key revenue official na umano’y saklot ng takot na sila naman ang isunod na biktimahin ng ‘kidnap for ransom’ at ‘serial robbery gang’ na ang target ay ang ilang top brass ng BIR.
Personal na nagtungo si Commissioner Dulay sa Palasyo ng Malacanang at ipinarating ang nauulinigan tungkol sa ‘kidnap and robbery cases’ na nagaganap sa BIR. Bagama’t walang kumpirmasyon dahil wala namang lumulutang sa sinuman sa mga biktima para maghain ng reklamo, naniniwala marahil ang BIR chief na ito ang paraan para matigil, kung may katotohanan man, ang krimen para sa kaligtasan na rin ng kanyang mga tauhan.
Kapuna-puna kasi na marami sa hanay ng mga regional director at revenue district officers ang hindi pumapasok sa kanilang opisina. Mayroong saglit lamang sa kanilang tanggapan at nagmamadaling umalis sa kanilang puwesto na parang may kinatatakutan, samantalang ang iba naman ay nag-file ng leave of absence, may nagdahilang magbabakasyon, out of town at out of the country.
Kagulat-gulat din ang biglang pagkakaroon ng private securities ng mga ito bilang bodyguards na ikinaiirita naman ng mga taxpayer dahil nagsilbing pahirap ito sa kanila na makaharap nang personal ang mga revenue key official ng BIR patungkol sa kanilang concerns sa babayarang buwis.
Ang Malakanyang, ayon sa source, ay nababahala sa nagaganap sa mga BIR top official, pero palaisipan din kung bakit walang lumulutang na complainant na sinasabing natangayan ng kaha de yero na naglalaman ng mula P20 milyon hanggang P100 milyon, gayundin sa napabalitang ‘kidnap-for-ransom’.
Karamihan sa sinasabing biktima ng ‘serial robbery gang’ at ‘kidnap for ransom,’ ayon pa sa source, ay nakatalaga sa Metro Manila at humahawak ng mataas na posisyon. Batid ng Department of Finance (DOF) at BIR ang posibilidad na mapektuhan ang tax collections dahil bukod sa madalas na pag-absent ng mga revenue official ay walang signatories sa payment forms ng mga babayarang buwis.
May report din na ilan sa mga ito ay nagsipaglipatan ng condominium para sa kaligtasan ng kanilang pamilya laban sa sindikato. Hanggang ngayon ay blangko pa rin sa mga nangyayari sa kawanihan sina Commissioner Dulay at Secretary Dominguez dahil nga wala pa ni isa na lumulutang para magreklamo na sila’y nilooban o naging biktima ng ‘kidnap-for-ransom’.
“The Bureau of Internal Revenue is both surprised and alarmed at the news report that came out in one of the leading papers in the country of two RDOs who were alledgedly victimized by a ‘kidnap-for-ransom’ gang. The tax agency said that the news reports of the alleged kidnapping is unverified and the amount quoted is speculative and without basis yet at this time. Although unverified and unconfirmed, the BIR is seriously looking into the alleged incident to determine its veracity and to undertake the necessary actions, implementing security plan to protect its revenuers,” nakasaad sa official statements ng BIR Tax Information and Education Division.
Hindi natin batid kung ano ang utos ni Pangulong Digong na dapat gawin nina Secretary Dominguez at Commissioner Dulay para sa kalutasan ng naturang usapin.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.