KIDNAPER NATAKASAN NG PASLIT NA BIKTIMA

KIDNAPER

LAGUNA – NAILIGTAS ng mga kagawad ng Sta.Cruz at Siniloan PNP ang limang taong gulang na batang babae mula sa kamay ng dalawang kidnaper sa Sitio Quinale, P. Burgos, bayan ng Siniloan kahapon ng umaga.

Batay sa ulat ni Supt. Armie Agbuya, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director, SSupt. Eleazar Matta, nakilala ang isa sa tatlong naarestong suspek na si Rodrigo Dizon, 30, may asawa, manganga­lakal, tubong Angeles Pampanga, pansamantalang naninirahan sa Brgy. Pagsawitan, Sta. Cruz, lalawigang ito.

Samantala, patuloy pa ring pinaghahanap ngayon ng mga tauhan ni Agbuya sa pamumuno ni Deputy Chief of Police PCI Noel Valdez ang dalawa pa sa kasamahan ng suspek na si Mark Doblete at isang hindi pa nakikilala, pawang mga residente ng bayan ng Siniloan.

Sa imbestigasyon, dakong alas-2:00 ng hapon ng maganap ang nasabing insidente matapos magbenta ng bote ang biktimang si alyas “Baby” sa suspek kasama ang dalawa pang batang babae.

Matapos nito, nagawa umanong kumbinsihin ng suspek ang biktima na bibigyan nito ng pera habang ang dalawa sa kanyang kasama ay naiwan sa lugar.

Sinasabing mula sa bayan ng Sta. Cruz, nagawang dalhin ng suspek ang biktima sa umano’y safehouse ng suspek na si Doblete sa bayan ng Siniloan.

Makaraan nito, pansamantala munang iniwan ng suspek ang biktima sa nabanggit na safehouse matapos i-padlock nito ang pintuan bago ito umuwi ng kanyang tirahan.

Subalit nakatakas ang biktima mula sa lugar kung saan habang nagsasagawa ng follow up operation si Valdez at kanyang mga tauhan agarang nasagip ng mga ito ang biktima kasunod ang isinagawang pag-aresto sa suspek sa pamamagitan ng kuha sa CCTV sa pinangyarihan ng insidente habang ang kanyang kasamahan ay mabilis na nakatakas. DICK GARAY