CAMP CRAME – INIIMBESTIGAHAN na ng PNP Anti-Kidnapping Group ang pagdukot sa isang Chinese woman sa Paseo de Roxas, Makati City noong Lunes ng gabi.
Ayon kay PNP AKG Spokesperson Police Lt. Col. Joel Saliba, sa kabila na wala pang pormal na reklamong natatanggap mula sa pamilya ng biktima, gagawa sila ng sariling imbestigasyon sa kaso.
Magde-deploy aniya sila ng team para tumulong sa Makati Police upang masagip ang biktima.
Una nang nag-viral sa social media ang video ng kidnapping incident sa Paseo de Roxas cor. Perea St. sa Makati City kagabi.
Makikita sa video ang sapilitang pagsakay ng isang babaeng Chinese sa kanang pintuan ng isang grey-colored van.
Walang magawa ang babae kundi magsisigaw at pinaharurot ang sasakyan nang nakabukas ang pintuan habang alanganin ang kanyang posisyon.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Makati City police chief Col. Rogelio Simon, posibleng utang dahil sa online gaming o kaya ay pagnanakaw ang motibo sa insidente.
May follow-up operations na ang pulisya para mahanap ang mga suspek. REA SARMIENTO