PINAIIMBESTIGAHAN sa Kamara ang umano’y ilegal na bentahan ng kidneys sa bansa, na inilarawan ng isang mambabatas na “human bopis for sale.”
Ang imbestigasyon ay hiniling ni Agri party-list lawmaker Wilbert Lee sa ilalim ng kanyang House Resolution 1803. Ayon kay Lee, tinatarget ng naturang scheme ang mahihirap na Pilipino at nilalabag nito ang Organ Donation Act of 1991 at ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
“Many kidney donors, particularly those from vulnerable communities such as slums, are often unaware of the risks and side effects of the operation. Sinasamantala ng mga ganitong modus ang mahihirap nating kababayan,” pahayag ni Lee sa isang statement.
“Ang nakakabahala dito, may mga sangkot pa umanong doktor at nurse – sila na pinagkakatiwalaan ng ating mga kababayan, pero sila pa palang nagtutulak lalo sa kanila sa kumunoy ng kapahamakan,” dagdag pa niya.
Dalawang araw pa lamang ang nakalilipas ay inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong indibidwal sa San Jose Del Monte, Bulacan dahil sa pagkakasangkot nila sa umano’y organ trafficking syndicate. Idinawit nila ang isang staff nurse ng National Kidney Transplant Institute (NKTI) bilang lider umano ng illegal organ trade, habang tatlong doktor ang ipinatawag ng NBI sa pagkakaroon ng partisipasyon sa blood matching ng mga donor.
Batay sa report, may siyam na biktima umano ang hinikayat na may bayad na P200,000 kapalit ng kanilang kidneys at pinigil sa isang bahay at isinailalim sa iba’t ibang proseso bago ilipat ang kanilang kidneys.
“This may only be the tip of the iceberg. Sa pagsasaliksik ng aming opisina, naglipana na rin ang mga Facebook groups kung saan lantaran ang bentahan ng laman-loob ng tao. Halimbawa nito yung ‘kidney donor Philippines 2.0’. Isang search lang, lalabas na agad ang posts at comments na nag-aalok ng kidney—parang online pasa-buy pero laman-loob ang ibinibenta. May mga natanggap na rin tayong report na pati atay at dugo ng tao, talamak na rin ang bentahan,” ayon kay Lee.
“Kailangang agaran at seryosong imbestigahan ito, para panagutin sa lalong madaling panahon ang mga nambibiktima sa marami nating kababayan. Puwedeng sindikato ang mga sangkot dito, at kung pababayaan lang na mamayagpag ang ganitong pakikipagtransaksiyon sa demonyo at mga halang ang kaluluwa, ilan pang mga kababayan natin, kabilang na ang mga bata, ang puwedeng malinlang at malagay ang buhay sa peligro?” tanong ni Lee.
Binigyang-diin pa ng mambabatas ang pangangailangan na rebyuhin ng pamahalaan ang mga polisiya nito hinggil sa organ donation upang madagdagan ang bilang nito na maaaring pumigil sa mga tao na pumasok sa mapanganib at ilegal na transaksiyon.
“Filipinos deserve better, and we should demand better. Hindi totoong natutulungan ang mga nangangailangan kung kikita sila kapalit ang kanilang kalusugan, o mismong ang kanilang buhay. Dapat nang tuldukan ang karumal-dumal na gawaing ito, at masampolan ang nasa likod nito,” dagdag pa niya.