(Ni CT SARIGUMBA)
ALIGAGA ang marami sa atin, lalong-lalo na ang mga fashionista sa pag-alam kung ano-anong style o outfit ang papatok ngayong taon. Marami na ang nagre-research sa mga in na outfit ngayong 2019. Ang ilan, panay ang pagbabasa ng mga artikulo tungkol sa fashion at style nang makasunod nga naman sa uso.
Kung tutuusin, bawat taon nga naman ay hindi nawawala ang paglabas ng mga uso o in na styles. Marami rin ang sumusunod sa mga uso. Hindi lamang din damit ang laging may nauuso, gayundin ang gadgets at kung ano-ano pang accessories.
Bilang magulang, hindi lamang tayo ang nag-iisip kung anong magandang outfit o swak na outfit ang maaari nating subukan. Siyempre, hindi rin puwedeng isawalang-bahala natin ang mga outfit na ipasusuot natin sa ating mga anak.
Lahat ng Nanay, isa lang ang gusto at iyan ay ang maging maganda at komportable ang kanilang anak sa ipasusuot nilang outfit.
Cute na cute nga naman kasing damitan ang mga bata. Napakarami ring outfit na bagay na bagay sa kanila—mapalalaki man sila o babae.
Kasabay ng paglalabasan ng magagandang outfit na swak sa mga may edad na o hustong gulang, nagsipagsulputan din ang iba’t ibang style ng damit na maaaring ipasuot sa mga tsikiting.
At dahil tiyak na marami sa atin ang nag-iisip o nag-aabang kung anong magandang damit ang mauuso para sa mga tsikiting, narito ang ilan sa puwedeng subukan:
FLORAL PRINTS
Kapag nag-isip tayo ng magandang damit para sa ating anak, lagi nating ikino-consider ang floral prints. Maganda nga namang tingnan ang floral prints. May iba’t ibang design din ito at kulay na maaari nating pagpilian.
At isa nga naman sa tiyak na makikita nating suot-suot ng mga tsikiting ngayong 2019 ay ang outfits na may floral prints. Tiyak din ito ang mabubungaran natin sa mga pamilihan.
Hindi lamang din swak sa summer ang floral prints kundi sa kahit na anong panahon. Maganda rin ito sa paningin kaya’t mara-mi ang nahihilig sa ganitong design.
Hindi lamang din damit ang puwedeng may floral prints kundi bag, sombrero, scarf, jacket, pants at skirts. May mga medyas ding ang design ay floral prints na puwede nating ipasuot sa ating mga tsikiting.
ANIMAL PRINTS
Animal print ang isa pa sa style o design na kinahihiligan ng marami. Maganda rin kasi itong tingnan. Napakarami ring option na maaari nating pagpilian na talaga namang nakadaragdag sa ganda ng ating kabuuan.
Hindi lamang din swak sa mga teenager o matatanda ang animal prints dahil mainam din ito sa mga bata.
Ilan sa puwedeng piliin para sa tsikiting ay ang leopard leggings.
Isa rin ito sa kino-consider na trendy ngayon ang ganitong mga styles.
SHORT DRESSES WITH FLUFFY SKIRT
Dress ang isa sa palagi nating ipinasusuot sa mga tsikiting. Hindi nga lang naman grown-ups ang swak magsuot ng dress, kundi ang mga bata.
Bukod din kasi sa napakaganda ng dress tingnan kapag suot ng kahit na sino, komportable rin itong suotin. Puwede mo rin itong paresan ng flat shoes, sandals o boots. Swak na swak din ito sa kahit na anong panahon at okasyon.
Ilan naman sa kulay na maaaring pagpilian ang pink at orange.
T-SHIRTS AND SWEATSHIRTS WITH POPULAR CHARACTERS
Isa pa sa klase o style ng damit na tiyak na makikita natin sa lahat ng pamilihan—mall man iyan o tiyangge—ang t-shirts at sweatshirt na may mga popular character.
Tiyak na sa style na ito, cute na cute ang mga tsikiting.
STYLISH HATS WITH CUFFS
Isa rin ang stylish hats sa puwedeng-puwedeng idagdag sa outfit ng inyong mga anak para mas lalong lumabas ang pagiging fashionista ng mga ito.
Sa kahit na anong panahon din ay swak na swak ang pagsusuot ng hats.
RETRO STYLE
Magiging trendy rin sa mga bata ang retro style na bright ang color. Para rin mas maging swak o in ito ngayong 2019, puwede itong lagyan ng dekorasyon gaya ng ribbon at beads.
Kung may mga classic prints na damit ang iyong anak gaya ng stripes at polka dots, ilabas na iyan sapagkat trendy iyan ngayong taon. Puwede mo ring i-level up ang mga naturang outfit para maging bago sa paningin.
Masarap nga namang bihisan ang mga bata. Hindi rin tayo magkakamali sa pagpili ng swak na damit o outfit sa ating mga anak dahil kahit na anong ipasuot natin sa kanila, tiyak na bagay na bagay at cute na cute silang tingnan.
Pero ano pa man ang style o design ng damit na gusto mong ipasuot sa isang bata, siguraduhing komportable siya sa pagsusuot nito. Hindi rin porke’t maganda ang damit at trendy ito ngayong 2019 ay bibilhin mo na.
Hindi rin naman masama ang makisabay sa uso. Gayunpaman, mahalagang naisasaalang-alang natin ang kagustuhan ng ating anak. Kumbaga, hayaan natin silang pumili ng outfit o damit na gusto nila.
Comments are closed.