KIEFER RAVENA, PBA AT SBP

Magkape Muna Tayo Ulit

AGARANG sumagot ang PBA basketball superstar na si Kiefer Ravena ng NLEX Road Warriors na hindi siya nagsa-shabu matapos humarap  sa media, kasama ang mga opisyal ng Philippine Basketball Association (PBA) at Samamahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang ihayag at ipaliwanag ang pagsuspinde sa kanya ng Federation of International Basketball Association o FIBA.

Nagkaroon kasi ng random drug testing ang FIBA sa mga manlalaro noong nakaraang Pebrero sa FIBA World Cup qualifier na ginanap sa Melbourne, Australia. Kalaban ng Pilipinas ang Australia kung saan natalo ang ating koponan.

Si Ravena, na mas kilalang ‘The Phenom’ sa PBA dahil sa kanyang kakaibang husay sa paglalaro ng basketball, ay nakitaan sa kanyang ihi ng ilan sa mga ipinagbabawal na droga na nakatutulong umano para gumaling siya sa kanyang paglalaro ng basketball. Dahil dito ay sinuspinde ng FIBA ng 18 buwan si Ravena. Ang ibig sabihin nito ay hindi na siya kasama sa Gilas Pilipinas sa lahat ng mga torneo na lalahukan nito sa loob ng isa at kalahating taon. Hindi na rin muna maglalaro si Ravena sa kanyang koponan sa PBA, ang NLEX Road Warriors.

Nakapanghihinayang ang sinapit ni Ravena. Sinusundan ko ang kanyang karera mula pa noong siya ay naglalaro sa Ateneo mula hays­kul hanggang kolehiyo. Alam mo talaga na mataas ang basketball IQ ni Ravena. Nababasa niya ang galaw ng laro kapag nasa loob siya ng basketball court. Maga­ling sa opensa at depensa. Maaasahan siya tuwing nasa gipitan ang laro.

Sayang at naging biktima siya ng mga nagla­labasang energy drinks at mga modernong gamot na nagsasabi na gaga­ling at lalakas ang isang manlalaro ng legal. Ang hindi minsan alam ng mga atleta ay may mga sangkap pala ang mga inilalakong bitamina na ipinagbabawal sa listahan ng World Anti-Doping Agency o WADA.

Inamin ni Ravena na umiinom siya ng samu’t saring bitamina. Ngunit wala sa kanyang isipan o malisya na ang mga iniinom niya ay mga ipinagbabawal na Performance Enhancing Drugs o PEDs.

Sabagay, sa mga uri ng atleta tulad ni Ravena, bugbog ang kanilang katawan sa kaeensayo at kalalaro ng basketball nang regular. Kung a­ting iisipin, si Ravena ay tulad din ng mga propesyonal na atleta na halos anim o pitong araw sa isang linggo na nag-eensayo at naglalaro. Masakit sa katawan ‘yan. Ang kanilang mga muscles ay kailangan makabawi o maka-recover sa pinakamabilis na paraan. Kaya minsan ay naghahanap sila ng mga gamot at teknolohiya na maaaring makatulong sa ganitong klaseng suliranin.

Ano naman ang alam ni Ravena sa mga detalyadong sangkap ng mga bitamina na iniinom niya? Sa kabila nito, inako niya ang kanyang pagkakamali. Saludo ako sa kanya na kahit nasa alanganin ang kanyang karera sa basketball, hinarap niyang parang isang tunay na lalaki at walang mga dahilan o sinisising ibang tao.

Dagdag pa rito ay tutulong pa siya upang ipaliwanag sa publiko at mga aspiring athlete na huwag basta-basta uminom ng mga bitamina o droga sa hangarin na gumaling sa sports.

Saludo rin ako sa mga opisyal ng PBA, lalo na sa SBP sa ilalim ng liderato nina Manny Pangilinan at Al Panlilio. Hindi nila iniwan si Ravena sa isyung ito. ‘Yan ang tunay na samahan….Samahang Basketbol ng Pilipinas!

Comments are closed.