KIKI CHALLENGE IPINAGBAWAL NG MMDA

Bong Nebrija

MAKATI CITY – BINALAAN ng Metropolitan Manila De­velopment Authority (MMDA) ang mga motorista na huhulihin ang mga ito kapag ginamit ang kanilang behikulo at cellphone para  sumali sa “Kiki Challenge”.

Ayon kay Bong Neb­rija, supervising operation officer ng MMDA, huhulihin nila ang mga motoristang makikisali sa naturang challenge.

Sa pahayag ni Nebrija ang sinuman sa mahuhuling violator ay papatawan  ng parusang reckless driving at paglabag sa Anti-Distracted Driving Act.

Ang “Kiki Challenge” ay kaugnay sa mga pino-post  na video ng mga netizen sa social media (Facebook) na tumatalon mula sa kanilang behikulo at sumasayaw sa daan habang nagmamaneho at niri-record ng driver ang video.

Sabi ni Nebrija, delikado ang gawain na ito at maaaring maging sanhi rin ng disgrasya sa daan at magdudulot ng trapik.

Kung kaya’t mariin nitong binalaan ang mga motorista na huwag gagawin ang mga ganitong uri ng challenge dahil hindi makaliligtas sa kanila ito lalo na’t may mga naka-ins­tall na closed circuit television  camera sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.    MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.