(Kikitain ng gobyerno) P4.87-B BUWIS SA SINGLE-USE PLASTIC

Albay Rep Joey Sarte Salceda

AABOT sa P4.867 billion ang maaaring madagdag sa annual revenue ng bansa sa oras na maging ganap na batas ang panukala na nagpapataw ng excise tax sa single-use plastic.

Ito ay matapos na makalusot sa House Ways and Means Committee ang panukalang batas na magpapataw ng P20 excise tax sa kada kilo ng single-use plastic bags.

Ayon kay Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, dagdag na P2.509 billion na kita mula sa plastic sando at shopping bags at P2.358 billion mula sa plastic labo bags o mga plastic bag na karaniwang ginagamit sa mga palengke o wet markets ang inaasahan.

Ang pagpapatibay sa panukala ay batay na rin sa universal consensus kaugnay sa masamang epekto ng single-use plastic sa kalusugan at kapaligiran.

Ang kita na malilikom mula sa paggamit ng single-use plastic ay ilalaan sa mga programa ng National Solid Waste Management.

Sinabi naman ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing, pangunahing may akda ng panukala, na sa kabila ng mga batas tulad ng Ecological Solid Waste Management Act (Republic Act 9003), nananatili pa rin ang Filipinas sa mga bansang may pinakamaraming plastic bag waste na napupunta at naitatapon sa karagatan.

Batay sa datos ng Ocean Conservancy, aabot sa 2.7 milyong metrikong tonelada ng plastic waste at kalahating milyong metrikong tonelada ng plastic-waste leakage kada taon ang naipo-produce ng bansa.

One thought on “(Kikitain ng gobyerno) P4.87-B BUWIS SA SINGLE-USE PLASTIC”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *