QUEZON- NASAKOTE ng mga puwersa ng Phillipine National Police- Criminal Investigation Detection Group ang isa sa kilabot at wanted na hired killer sa Calabarzon sa hideout nito sa Barangay Mangalang 1, Sariaya sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni BGen. Jose Melencio Nartatez, Calabarzon police chief ang suspek na si Emerson Coronel, may- asawa at residente ng naturang bayan.
Si Coronel ay miyembro ng kilabot na Manalo-Briones Crime Group na sangkot sa gunrunning activities at gun for hire na aktibo sa mga nagaganap ng krimen sa lalawigan ng Quezon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, si Coronel ay itinuturong responsable sa pamamaril noong Enero 5, 2023 at 2017, at napabilang sa mga sumurender sa Oplan Tokhang ng Quezon police provincial unit.
Sa inisyal na ulat ng Sariaya police station, ang grupo ni Coronel ay may mga nakatagong malalakas na kalibre ng baril na ginagamit sa mga nangyaring krimen noong nagdaang taon.
Ang suspek ay nadakip sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Judge Agripino Bravo, ng Regional Trial Court , 4th judicial branch, Lucena City.
Nakumpiska sa possession ni Coronel ang isang magnum 357 , at isang caliber .38 revolver at mga bala.
Kasalukuyang nakakulong na sa Sariaya police station ang suspek. ARMAN CAMBE