BATANGAS- BUMAGSAK sa kamay ng Batangas Provincial Drug Enforcement Unit at Batangas police station ang isang matagal ng pinaghahanap na drug courier sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng umaga sa Barangay Balagtas ng naturang lungsod.
Mahigit 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000 ang nakumpiska sa shoulder bag na dala-dala ng suspek na si John Christopher Oliver Abulencia, alias Ian, 34-anyos, tricycle driver, tubong Malabon City at residente ng Barangay San Lorenzo Ruiz, San Pedro City, Laguna.
Sa report ni Col. Glicerio Cansilao, Batangas PNP provincial director kay BGen. Antonio Yarra, Calabarzon Police Chief, si Abulencia ay matagal na umanong nagsasagawa ng pagbebenta ng droga sa lalawigan at nahirapang hulihin ito dahil sa palipat-lipat ng bayan kaugnay sa ginagawa nitong ilegal.
Kahapon isang buy-bust operation ang ikinasa ng mga operatiba ng Batangas PNP na agad na nasakote ang suspek habang nasa aktong pagbebenta ng droga.
Kabilang sa nakumpiska ng mga pulis kay Abulencia ay android phone, P200,000 buy bust money at shabu paraphernalias.
Pinuri naman ni Yarra ang Batangas PNP sa walang tigil nitong paghuli sa mga drug pusher sa naturang lalawigan. ARMAN CAMBE