KAMAKALIAN, nailathala sa Forbes Magazine ang pangalan ni Bobby Murphy bilang isa sa pinakabatang bilyonaryo na nasa listahan ng Forbes 400 sa edad na 31.
Siya ang pinakabatang Pinoy sa listahan ng mga bilyonaryong entrepreneur.
Maraming millennial agad ang itinuon ang kanilang pansin sa bilyonaryong co-founder ng kilalang social media app na Snapchat. Sino nga ba si Bobby at paano niya naabot ang ganitong estado sa ganitong kabatang edad?
Tara, alamin natin!
#1 Mga unang taon ni Bobby
Si Bobby Murphy ay may buong pangalan na Robert Cornelius Murphy. Ipinanganak siya noong 1988 sa Berkeley, California, sa mag-asawang simpleng empleyado ng gobyerno sa Amerika. Ang ina ni Bobby na si Rosie Go-Murphy ay Pinay na naging immigrant sa Amerika, at ganap na Amerikano naman ang ama niya na si Richard Murphy.
Nag-elementarya si Bobby sa School of the Madeleine at nag-high school naman siya sa Saint Mary’s College High School. Parehong pribadong paaralang Katoliko ito sa Berkeley. Sa Stanford University nagtapos ng kolehiyo si Bobby kung saan kumuha siya ng Bachelor of Science in Mathematical and Computational Science.
#2 Pinagmulan ng SnapChat
Sa Stanford University nabuo ang SnapChat.
Naging brods sa Kappa Sigma Fraternity ang dalawang co-founders ng SnapChat na sina Bobby Murphy at Evan Spiegel na siyang naging mukha at CEO ng SnapChat. Si Bobby ang CTO o Chief Technology Officer.
Ang unang ideya ng magkaibigan na sina Bobby at Evan ay ang app na tinawag nilang Future Freshman. Ang app na ito ay balak nilang magbigay ng payo sa mga nais magkolehiyo. Hindi ito umungos.
Sunod naman ay nagka-ideya sila sa isang app na naglalaho ang mga mensahe at litrato matapos makita o mabasa ang mga ito, o hanggang beinte kuwatro oras. Tinawag nila itong Picaboo na nabuo noong Jul 8, 2011.
Ang ‘di alam ng karamihan, may ikatlong co-founder ang app na ito na ang pangalan ay Reggie Brown. Napabalitang inalis nila ito at nabayaran daw ng $157.5 million para tuluyan na itong maglaho!
#3 Mga unang taon nina Bobby sa SnapChat
Lahat naman halos ng mga nag-umpisang startup ay ‘di magarbo ang buhay na pinagmulan. Sina Bobby at Evan ay nagkampo sa garahe ng ama ni Evan sa Palisades sa California noong simula ng 2012.
Bilang CTO, si Bobby ang halos gumawa ng lahat ng codes ng SnapChat na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin. Mahigit 18 oras araw-araw ang iginugol ni Bobby sa pag-program ng app na ‘di naman agad kinagat ng mga tao.
Sa totoo lang, sa senior year ni Evan sa Stanford, panay ang pag-promote niya sa SnapChat habang si Bobby naman ay kinailangang mag-code sa gabi at magtrabaho sa umaga sa isang kompanya na tinatawag na Revel Systems. Mga cash register na pang-Ipad ang kompanyang ito at naka-base sa San Francisco.
Sa mga huling buwan ng 2012, nag-pick-up ang mga gumagamit ng SnapChat. Kinailangang tustusan ni Bobby ang pagbayad sa mga server at iba pang gastusin para sa SnapChat mula sa kalahati ng kanyang sinusuweldo. Tinayaan na niya talaga ang app na ito mula noon.
#4 Nakaumang na Paglaki ng SnapChat
Dahil nga ‘di pa noon kumikita ang SnapChat, inabonohan muna ni Bobby ang mga gastusin dito mula sa kanyang suweldo.
Sa paghahanap nila ng venture capitalists o investors upang matustusan ang $5,000 na buwanang gastusin ng app, ang Lightspeed Ventures ni Jeremey Liew ang unang nag-invest dito sa halagang $485,000 (o mahigit-kumulang sa 24.8 million pesos). Sa totoo lang, kumita ng $2 billion si Jeremy Liew sa kanyang investment dito noong nag-IPO ang SnapChat.
Sa isang side-kuwento, ‘di dapat papansinin nina Murphy at Evan ang pasubali ni Jeremy Liew bilang investor kundi dahil sa profile picture ni Jeremy sa Facebook na kasama ang dating Presidenr Barrack Obama ng Amerika.
Pareho naman silang nakinabang sa puntong ito, ‘di ba?
#5 David vs. Goliath
Ang unang investment nila na mula sa Lightspeed Ventures ay ginamit ni Bobby sa pagkuha ng dalawa pang developers at lumipat na nga sila ng tuluyan ng headquarters sa bahay ng ama ni Evan sa Los Angeles, California.
Umabot na ng isang milyon ang gumagamit ng SnapChat araw-araw. Kaya matapos ang halos dalawang taon noong magsimula sina Bobby at Evan sa pagnenegosyo, kinausap sila ni Mark Zuckerberg na may-ari ng Facebook at nag-offer na bibilhin sila sa halagang $3 billion. Sabi ni Zuckerberg sa kanila, may ilalabas na silang kalaban ng SnapChat na ang pangalan ay Poke. At siguradong madudurog daw sila nito.
Sa halip na matakot at ibenta ang SnapChat, tumanggi sila at naghanda sa matinding labanan. Bumili pa nga sila ng mga kopya ng librong Art of War ni Sun Tzu na ipinabasa sa anim na empleyado ng SnapChat.
Noong December 2012, lalo pang naungusan ng SnapChat ang Poke at ‘di na ito nakahabol pa. Isa raw regalong pamasko ito kina Bobby at Evan.
#6 Ang pagiging bilyonaryo ni Bobby Murphy
Noong February 2, 2017, nagbukas sa NYSE o New York Stock Exchange ang SnapChat sa halagang $33 billion na valuation. Pormal na naging bilyonaryo si Bobby.
Si Bobby Murphy, hanggang sa ngayon, ay tinaguriang mala-ermitanyo sa kanyang pagiging masikreto. Mula sa pagiging app lamang, tumungo sa paggawa ng mga kamera ang SnapChat na nagpalit ng kanilang pangalan sa Snap, Inc. Mayroon diumano silang Snap Labs na division kung saan ang sikretong proyekto nila na pinamamahalaan ni Bobby ay ginagawa.
Kahit na bumaba ang halaga sa kalahati ng SnapChat sa NYSE, nananatili pa ring bilyonaryo si Bobby. Ayon sa Forbes Magazine ng 2020, may 3.7 billion dollars ang halaga ng pag-aari ni Bobby mula sa SnapChat o Snap Inc. Ayon naman sa ilang market analysts sa America, babalik sa halos 30 billion dollars ang halaga nito sa gitna ng 2020.
Ngayon, ikinasal na rin si Bobby kay Kelsey Bateman na kanyang naging kaklase sa Stanford. Nag-iinvest na sila sa mga iba’t ibang lupain sa lugar na malapit sa kanilang headquarters sa California at napapabalitang gayundin sa Venice sa Italy. Nagdo-donate din Bobby sa mga kawanggawa na may kinalaman sa pag-aaral at pagtulong sa mga batang estudyante.
Mga leksiyon mula sa karanasan ni Bobby Murphy
Maraming kabataan ngayon ang nangangarap ng biglangpagyaman. Ang maging instant milyonaryo o bilyonaryo pa ay ‘di ganoon-ganoon lamang. Tandaan na si Bobby Murphy ay nagtapos sa Stanford sa Amerika at ginamit niya ang kanyangkaalaman sa pag-develop ng SnapChat. Kailangan pa rin ang pag-aaral at pagsiyasat sa magiging startup o negosyo.
‘Di rin kaagad nag-quit si Bobby sa kanyang trabaho. Pinaghandaan niyang mabuti ito at tinustusan hanggang sa kinaya na nitong tumayo.
Nag-offer man ng 3 billion dollars ang Facebook para bilhin ang SnapChat, ‘di bumigay sina Bobby kay Mark Zuckerberg. Sa halip, naging challenge ito para sa kanya at mga kasama. Nanalo sila sa dulo at may higit pa ang kanilang kinita. Nag-focus lang sila sa kanilang plano at ginalingan pa ang execution nito.
Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pagiging mapagkumbaba ni Bobby. Sobrang kaunti lang ang makikita mula sa Internet at social media ukol sa kaniya. ‘Di siya masyadong nagpapa-interview. Dahil dito, nakakapag-focus siya sa kanyang mgagawain na lumikha ng mga makabagong teknolohiya na gagamitin para sa kinabukasan pa ng SnapChat o Snap Inc. Alam niya ang papel niya at ang kanyang layunin.
Bilang mga entrepreneur, at bilang Filipino, ipinagmamalaki natin si Bobby Murphy. Nawa’y marami pa ang maging gaya niya at makatulong sa marami pang tao.
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].
Comments are closed.