KILALANIN ANG MGA MILLENNIALS

KAMI ang millennials – kilala rin sa tawag na Generation Y, ang henerasyon ng mga kabataang laging nag­tatangong. Kaya nga Generation Y — “why?” May reputas­yon daw kaming mas pinahahalagahan kung nag-e-enjoy kami sa trabaho kesa kikitaing pera o kung anumang titulo. Isa po akong millennial at sana ay kilalanin ninyo kami.

Ilan sa mga millenials ay pwede nang magtrabaho. In fact, ang inyong lingkod ay 16 years old na ngayon ay mayroon akong part time job na kumikita ng sapat para sa aking mga panga­ngailangan kung hindi ako gaanong magastos. Payo lang sa mag mana­ger na magha-hire sa aming henerasyon – pag-aralan ninyong mabuti ang inyong purpose at kung paanong magkakaroon ng impact sa mundong ito.

Para naman sa mga mas nakatatanda sa amin, mas madali ninyo kaming maiintindihan kung: bibigyan kami ng pagkakataong matuto at ma-develop at kung bibigyan kami ng pagkakataong magkaroon ng balance sa personal at professional life.

Para sa amin, hindi lahat ay nabibili ng pera. Gusto rin naming may free movement kami. Hindi rin kami magtatagal sa trabaho kung bossy ang boss namin. Mentor ang kaila­ngan namin, hindi boss.

Ayon sa Oxford Li­ving Dictionaries, ang millennial daw ay isang batang malapit nang ma­ging adult (tulad ko) ngayong 21st century. Sabi naman ng Reuters, ang millennials ay iyong mga isinilang mula 1981 hanggang 1996. Nye, hindi pala ako kasali dahil 2004 ako ipinanganak. Mas gusto kong paniwalaan yung Oxford definition para kasali ako.

But anyway, sabi ng mga researcher, matatalino raw kami (I agree), self-confident, technologically savvy at ambisyoso. Palagay ko nga, totoo yan.  Sabi rin nila, hindi kami takot sumubok sa mga bagay na hindi namin alam, at sakaling sumemplang kami, hindi kami natatakot na sumubok uli. Marunong din kaming magtiwala, at sakaling mali ang taong pinagkatiwalaan namin, hindi rin kami natatakot na muling magtiwala. Hindi perfect ang mga millennial. In fact, tulad ng karaniwang kabataan, marami rin kaming kapalpakan, pero nakagagawa kami ng paraan para tanggapin ang mga hamon ng buhay. Bata man kami, mayroon kaming sariling paninindigan at kaya naming patunayan na pagdating ng araw ay kakayanin naming tumayo sa sarili naming mga paa.

Sa mga magulang na hindi kami maunawaan, gusto naming makilala ang tunay na mundo. Kaila­ngan namin ang gabay, hindi ang taong magdi­dikta sa amin kung ano ang aming gagawin. Gusto rin naming maki-share sa mga responsibilidad, at magkaroon ng oportunidad upang mabuo ang aming professionalism. Isa lamang ang problema namin. Mahirap huminto kapag nasimulan na namin ang isang bagay – kahit pa ma-realize na­ming may mali.

Mas naa-appreciate namin ang honesty kesa white lies. Gusto rin na­ming pinakikinggan kami – siguro, kahit naman sino, ganoon ang gusto. Kung sumablay kami, na-a-appreciate namin ang suporta upang muli ka­ming makabangon.

Siguro,makapal ang mukha namin, dahil hindi kami nahihiyang makiharap kahit pa sa mga taong may mataas na posisyon. Okay rin lang sa aming makatanggap ng constructive criticism, dahil gusto naming mga millennial na ipahayag kung ano ang aming mga pa­ngangailangan.

Ang lifestyle namin ay naka-focus sa paggawa ng mga bagay na naiiba sa lahat ng level – professionally, socially, politically at economically. Hindi namin matatanggap na sinasabi nilang “things have always been done this way,” at committed na humanap ng solusyon upang maka-adjust sa kasaluku­yan, habang nirerespeto rin namin ang nakaraan.

Hindi naman kami laging negative. Masasabi kong may mga positive qualities din kaming pwedeng ipagmalaki tulad ng pagiging ambisyoso, may tiwala sa sarili, conscious. Collaborative, masipag mag-aral, idealis­tic, independent at motivated. Kaya rin naming mag-multi-tasking. Open-minded din kami sa mga pagbabago, passionate, magalang sa abot ng aming makakaya, at sinusubukan naming resolbahin ang problemang dumarating sa sarili naming pamamaraan. Salamat sa tulong ng mga computer – nagiging madali ang lahat.

Kinalolokahan ng mga millennials ngayong panahon ng pandemya ang online shopping. Siguro, epekto ito ng COVID-19 burnout. Online kasi ang pag-aaral, at bihirang bihira kaming lumabas ng bahay.

Sabi nila, 30 percent lang daw ng mga millen­nial ang inaasahang aabot sa edad na 85-100 years old, kumpara sa 43 percent ng mga baby boomers. Sabagay, okay na sa amin kung mabubuhay kami hanggang 81 years old.

Sabi rin ng mga Ame­ricans, makasarili raw ang mga millennial. Bakit kaya? Dahil ba alam namin ang gusto namin at ginagawa namin ang lahat para makuha ito? Dahil ba mas binibigyan namin ng importansya ang kasalukuyan kesa hinaharap at nakaraan? Kung ganoon, siguro nga. Pwede pa rin nilang sabihing narcissistic kami dahil alam namin kung alin ang magandang parte ng aming pagkatao at iyon ang ipinakikita namin sa aming mga selfie.

Hindi rin naman sigu­ro masamang tanggap namin ang third sex – as in tanggap, at hindi tolera­ted lang. Para sa amin, hindi gender ang sukatan ng pagkatao. Pwede kang maging straight na babae o lalaki o maging bakla o tomboy, and at the same time, mabuting tao. Tini­tingnan namin ang karakter ng tao at ang kanilang kapasidad sa kanilang trabaho kesa gender. Sa bawat job experience o sa anumang uri ng karanasan, nais naming matuto, lumago at mag-evolve.

Tulad ng ibang kabataan, nagkakaroon din kami ng conflict sa aming mga magulang, ngunit sila rin ang pinagkukunan namin ng lakas ng loob para lumaban sa masalimuot na buhay. Kasama rin sila sa aming mga plano, at inaasahan naming sa panahon ng aming failures ay naroon lamang sila sa aming likuran – hindi para kami sisihin, kundi para kami suportahan.

Ngayong kilala na ninyo kami, hindi na siguro kami alien sa inyong paningin. Karaniwan lang kaming kabataang may mas malawak na pananaw sa buhay at alam na pagaanin ang buhay sa tulong ng technology.  – LEANNE SPHERE

11 thoughts on “KILALANIN ANG MGA MILLENNIALS”

  1. Pingback: 3innermost

Comments are closed.