KILALANIN NATIN ANG PINYAPEL

ANG Design Center of the Philippines (DCP), attached agency ng Department of Trade and Industry (DTI), ay nagsusumikap na isulong ang kahusayan o pagiging malikhain, value creation, at paglikha ng mga bagong ideya bilang mga batayan sa pag-unlad ng lipunan at bansa.

Bukod sa suporta sa paglikha ng magandang disenyo, misyon din ng ahensiya na bigyan ng inspirasyon ang ating creative industries upang ang mga ito ay makabuo ng mga produkto, serbisyo, at espasyong pakikinabangan ng tao, bansa, at mundo.

Nasa gitna ng gawaing ito ang Pinyapel Initiative ng DCP, isang proyektong nakabihag sa interes ng mga mamumuhunan at naglagay rin sa Pilipinas sa mapa kung ang pag-uusapan ay ang paglikha ng mga “sustainable at innovation-driven” na mga ideya at produkto.

Kamakailan ay isinagawa ng DCP ang Pinyapel Investor’s Forum, isang mahalagang bahagi ng inisyatibang ito. Mahigit kalahati ng mga dumalong mamumuhunan ay nagpahayag ng interes sa Pinyapel pulp mill facility.

Ang modernong pasilidad na ito ay binabalak na itayo sa Mindanao at inaasahang makapaglalabas ng 20 metric tons ng pinyapel bawat araw.

Ang magandang lokasyon ng pulp mill ay makatutulong upang maging eco-friendly at mahusay ang sistema ng produksiyon. Nakaayon din ito sa quadruple bottomline approach ng DCP sa usapin ng circular design.

Ang Pinyapel ay hindi lamang isang mahusay na alternatibong materyales, inilalarawan din nito ang magandang layunin ng DCP tungo sa kasaganahan, planeta, tao, at hangarin.

Nagsimula ito sa balakin na gamitin nang wasto ang mga agricultural waste upang mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka, makapag-ambag ng solusyon sa mga problemang pang-kalikasan, magbigay ng alternatibo sa plastik, makipagtulungan sa mga lokal na negosyo, at ipagmalaki ang ating kahusayan sa sining at disenyo sa pandaigdigang entablado.
(Itutuloy)