LAGUNA – BUMAGSAK sa kamay ng mga kagawad ng Calamba City-PNP ang itinuturong suspek na responsable sa pamamaril at pagpatay sa 15-anyos na estudyante makaraan ang ilang araw nitong pagkukubli sa batas sa Brgy. Bucal, na sakop ng lungsod na ito kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ni PLt. Col. Jacinto Malinao Jr. hepe ng pulisya kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, naaresto ang suspek na si Renando Valderrama, security guard, na responsable sa pagpatay sa biktimang si Mark Anthony Miranda, Grade 7 student, ng Castor Alviar National High School, pawang mga residente ng Brgy. Pansol.
Sa imbestigasyon, dakong alas-4:00 ng madaling araw ng masakote ng mga tauhan ni Malinao ang suspek habang aktong naglalakad ito sa riles ng tren bitbit ang isang back pack na naglalaman ng isang caliber shooter protector, 38 revolver mga bala at iba pa nitong kagamitan.
Hindi na nagawa pang makapanlaban ng suspek kasunod ang mabilisang pag-aresto ng pulisya.
Ayon aniya sa isinagawang pahayag ng suspek sa pulisya, hindi na aniya nito nakayanan pa ang magtago sa batas makalipas ang limang araw makaraan ang naganap na insidente ng dahil na rin sa gutom at pagod habang ito ay nasa kabundukan dahilan para bumaba ito at humanap ng mai-inom na tubig.
Sa pamamagitan ng ilang residente sa Brgy. Bucal kung saan namataan ang suspek, ay agarang ipinagbigay alam nila ito sa pulisya.
Kaugnay nito, sa harap ng miyembro ng media, pulisya, mga lokal na opisyal at pamilya ng biktima, ipinagkaloob ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang halagang P100,000 pabuya kay Malinao para sa agarang pagkakaaresto ng mga ito sa suspek.
Matatandaang naganap ang nasabing insidente sa loob mismo ng nabanggit na paaralan bandang alas-12:30 ng hapon matapos sapilitang pumasok ang suspek bitbit ang kalibre 38 baril kasunod ang isinagawang pamamaril sa biktima bago mabilisang tumakas ng dahil umano sa matinding selos.
Kasong murder at illegal posession of firearms ang isinampang kaso ng pulisya sa suspek kung saan kasalukuyang nakapiit sa Calamba City-PNP Lock Up Cell. DICK GARAY