CAVITE – Nagwakas ang 16-taong pagtatago sa batas ni Ezra Maling na sinasabing pumatay sa kanyang ka-live-in partner noong Marso 2003 bago nagtungo sa America makaraang salubungin at arestuhin ng mga operatiba ng Special Operation Group ng Cavite Provincial Intelligence Branch katuwang ang iba pang law enforcement agency sa labas ng NAIA Terminal 1 kahapon ng umaga.
Base sa ulat na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, si Maling ay may alyas warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ni Judge Mary Josephine P. Lazaro ng RTC Branch 74 sa Antipolo City, Rizal noong Hunyo 30, 2011.
Si Maling ay inakusahang pumatay sa kanyang ka-live-in na si Rebeny Grageda noong Marso 17, 2003 sa loob ng kanilang bahay sa Vista Verde Country Homes sa Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal.
Lingid sa kaalaman ng mga awtoridad, nagtago si Maling sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Cavite bago magpalabas ng warrant of arrest ang nabanggit na hukom.
Dito na sinamantala ni Maling na magtungo sa U.S. at manirahan sa loob ng 16 na taon sa Los Angeles, California bago ito nag-apply ng naturalization sa immigration.
Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nadetermina ng U.S. Department of Homeland Security na may kasong murder si Maling kaya ito ikinulong saka pina-deport.
Samantala, humingi naman ng tulong sa mga awtoridad sa Cavite Provincial Office sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City ang mga magulang ng biktima kaugnay sa pagdating ni Maling sa airport dahil sa sinasabing hindi sila binigyang pansin ng himpilan ng pulisya sa Cainta, Rizal. MHAR BASCO
Comments are closed.