KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) ang pag-aresto sa suspek sa pagpatay sa isang opisyal ng Land Transportation Office nitong May 24.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, pasado ala-6 ng gabi nitong Biyernes nang pagbabarilin ng armadong suspek ang biktimang si Mercedita Gutierrez, hepe ng LTO Registration Division sa Brgy. Pinyahan, Quezon city.
Nasawi ang biktima habang nakatakas naman ang suspek.
Subalit sa loob ng 24 oras, naaresto ng mga kagawad ng Quezon City Police District ang suspek na si alyas Danny sa tulong ng ilang ebidensiya na nakuha sa crime scene.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo na ang ebidensiyang naging daan sa pagkaaresto kay alyas Danny ay ang nakuhang nalaglag na belt bag mismo ng baril at positibo pang kinilala ng ilang saksi.
Patuloy namang iniimbestigahan ang motibo sa likod ng krimen habang kasama sa sinisilip ang posibilidad na kaugnayan sa trabaho at ang personal na galit sa biktima.
“We are not discounting the possibility na may nag utos at hindi isinasara kung may nag-utos o member ng gun for hire.
Inihahanda na ng QCPD ang mga kaukulang dokumento at ebidensya para sa pagsasampa ng kasong murder laban sa suspek.
EUNICE CELARIO