KILLER NG NEGOSYANTENG MODELO PINASUSUKO NI ABALOS

DAVAO- PINASUSUKO ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang gunman sa pagpatay sa negosyante at modelong si Yvonette Plaza sa Davao City noong Disyembre 28 ng nakaraang taon.

Personal na dumalo si Abalos sa isinagawang conference sa Davao City Police Office kaugnay sa imbestigasyon sa nangyaring pamamaril sa 38-anyos na biktima kasabay ng panawagan nito sa gunman na sumuko at panagutan ang nagawang krimen.

Pinaalalahanan ni Abalos ang gunman na may nakapatong na P1 milyong pabuya sa ulo nito at sinabing kung hindi ito kusang loob na susuko ay posibleng mismong ang mastermind sa krimen ang magpapatay sa kanya.

“Ako’y nanawagan kung nandyan yung gunman ngayon. May reward na nakapatong sa ulo mo, mag-ingat ka baka mamaya yung mismong nag-utos sa iyo ang papatay sa iyo rito. Kaya kung ako sa iyo, magdalawang-isip ka. Mas mabuting sumuko ka na,” panawagan ng kalihim.

Inatasan na rin umano ng DILG chief ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) na madaliin ang pagtukoy sa mga pumaslang sa biktima upang mapanagot ito sa krimen. EVELYN GARCIA