KILALA na ng Philippine National Police (PNP) ang identity ng umano’y nasa utak sa pagpaslang kay Jupiter Gonzales, kolumnista ng Remate at sa kasama nito noong gabi ng Oktubre 20 sa Arayat, Pampanga.
Una nang sinabi ni Presidential Task Force on Media Executive Director Undersecretary Joel Egco, kilala ng mga biktimang sina Gonzales at kasamahang si Christopher Tiongson ang person of interest sa krimen.
Aniya, kanila nang pinaghahanap ang nabanggit na person of interest sa PNP CIDG para masampahan na rin ng kaso.
Samantala, sa press release ng PTFoMS, tinukoy ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na Co-Chair sa PTFoMS, ang gunman na si Armado Maglaya Velasco alyas Ambet at Lakay na umano’y nagtatrabaho bilang public relations man para sa local carnival o peryahan na nag-o-operate sa Barangay Cacutud sa nasabing bayan.
Kasunod ng ulat ni Egco, inihayag ni Andanar na nagpadala na ng surrender feelers si Ambet sa pamamagitan ng kanyang misis.
Nilinaw naman ni Egco na hindi tinambangan ang mga biktima kundi pinasok sa loob ng kanilang sasakyan at saka pinagbabaril batay na rin aniya sa kuha ng CCTV sa lugar.
Pinuri naman ni Andanar ang Criminal Investigation and Detection Group-Region 3 at Arayat Police sa pangunguna ni LCol. Dale Soliba sa mabilis na aksiyon ng mga ito para maresolba ang kaso.
“I commend the Task Force, the CIDG-Region 3 and the Arayat Police for a job well done. This proves that this administration will stop at nothing to hold perpetrators of violence against media workers to account. They can run and hide but the long arm of the law will eventually catch up on them,” sinabi pa ni Andanar. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.