KILLERWHALE KAMPEON SA CNLCSCA SWIM SERIES

TINAMPUKAN ng magkakapatid na Mojdeh ang impresibong kampanya ng Philippine KillerWhale Swim Team para sa overall championship sa ginanap na 80th Central Northern Luzon-CAR Swimming Coaches (CNLCSCA) Invitational Swim Series noong Sabado sa New Clark City Aquatic Center sa Capas, Tarlac.

Tulad ng inaasahan, nangibabaw ang Philippine national junior record holder na si Micaela Jasmine Mojdeh sa kanyang division, ngunit agaw-pansin ang mga nakababata niyang kapatid na sina Mohammad Behrouz Mojdeh at Mikee Mojdeh sa torneo na inorganisa ng A.C Dax Aquatics Swim Club, sa pakikipagtulungan ng Swim League Philippines.

Napagwagian ng 14-anyos na si Mojdeh ang limang events at nanalo ng  silver para tangahaling best swimmer sa girls’ 15-age class A,  habang nasungkit ni Mohammad Behrouz ang apat na golds at isang silver para makopo ang best swimmer award sa boys’ 10-year class A.

Nag-ambag naman si Mikee ng tatlong golds sa boys’ 6-under class.

Sa kabuuan, nakamit ng KillerWhale Swim Team ang 1,022.50 puntos, kasunod ang North Pine Aquatic Swimming Team na may 570.50 puntos at pangatlo ang Bosay Resort Aquatic Club sa natipong 497.50 puntos.

“Nakatutuwa na talagang maraming batang swimmers ang nabibigyan ng pagkakataon sa ganitong mga kompetisyon. ‘Yung mga anak ko nakikipagsabayan na rin. This kind of tournament ang talagang dapat masuportahan para mas marami pang bata ang humusay,” pahayag ni Joan Mojdeh, SLP official at team manager ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST).

Kabilang din sa nakaagaw ng pansin sina Ethan Adriel Alejandrino ng Angeles City Swim Team at Pampanga Black Marlins, sa pangangasiwa nina coaches Bernardino Alindogan, Archie Lim  at  Lans Rawlin Gumabon Donato at Paz Martin Alog ng Thresher Shark swimming team ni coach Kevin Torrado.

Itinanghal na most outstanding swimmer sa boys’ 12 year-old si Alejandrino matapos magwagi ng isang gold (50m breast), dalawang silver (50m back at 50m fly) at dalawang bronze  (200m fee at 50 free), habang nagwagi ang 13-anyos na si Alog sa 200m freestyle at 50m butterfly at bronze sa 50-m backstroke. EDWIN ROLLON