KILOS NG MGA ‘DI BAKUNADO BABANTAYAN

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Makati ang pagkakapasa ng konseho sa isang ordinansa na maglalatag ng alituntunin sa kilos ng mga hindi pa bakunadong residente sa lungsod.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 2022-005, ang mga hindi pa bakunadong indibidwal ay kinakailangang mananatili sa kanilang bahay sa lahat ng oras maliban na lamang kung may bibilhin silang pangangailangan sa kanilang tahanan.

Pinagbabawalan din na makapasok ang mga unvaccinated na indibid­wal sa mga indoor at outdoor dining restaurants at iba pang establisimiyento ng mga kainan pati na rin sa mga leisure o social trips patungo sa mga malls, hotels, events, at venues.

Hindi rin pinapayagan na bumiyahe at sumakay ang mga hindi bakunadong residente sa mga pampublikong transportasyon ng sasakyang panlupa, pandagat at panghimpapawid.

Kailangan din ang mga ito na sumailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) COVID-19 kada ikalawang linggo na sila ang gagastos sa naturang test bago sila tanggapin sa mga on-site na trabaho.

Ang mga lalabag sa nasabing ordinansa sa unang pagkakataon ay pagmumultahin ng P3,000; P4,000 sa ikalawang paglabag habang P5,000 o pagkakulong na hindi lalampas sa anim na buwan o parehong kaparusahan ang ipapataw sa mga lalabag ng ikatlo o mahigit pang pagkakataon.

Kung ang mga lalabag naman sa naturang ordinansa ay isang menor de edad, sa unang pagkakataon ng paglabag nito ay ipapatawag ang mga magulang o kanilang tagabantay kung saan padadaluhin ang mga ito sa Parent Effectiveness Seminar.

Sa ikalawang paglabag sa naturang ordinansa, pagbabayarin na ang magulang ng mga ito ng halagang P4,000 multa at P5,000 naman o pagkakulong ng hindi lalampas ng anim na buwan ang ipapataw na kaparusahan sa ikatlong paglabag ng menor de edad na depende pa rin sa desisyon ng korte.

Bukod sa mga nabanggit na kaparusahan, ang mga menor de edad at kanilang mga magulang ay dadalhin din sa Makati Social Welfare Department (MSWD) para sa kanilang assessment; kinakailangang intervention at programang rehabilitasyon. MARIVIC FERNANDEZ